MULTI MILLION EVAC CENTER ITATAYO SA PQUE

MAGTATAYO ng isang multi-million disaster-resilient evacuation center ang lokal na pamahalaan ng Parañaque na magpapalakas at magpapatibay sa pagresponde sa emergency at pagsisikap ng pag-rekober sa panahon ng emergency tulad ng malalakas na bagyo, matinding baha at iba pang kalamidad.

Ayon kay Parañaque City Mayor Eric Olivarez, ang multi-million evacuation center na gusali ay itatayo sa tabi ng socialized housing project na matatagpuan sa kahabaan ng C-5 Road Extension, Barangay La Huerta, Parañaque City.

Base sa plano ng inhinyero, ang evacuation center ay nakadisenyo bilang isang disaster-resilient kung saan makasisiguro na ang mga apektadong residente ay magkakaroon ng access sa ligtas at komportableng matutuluyan sa panahon ng emergency.

Nakaranas na ng matinding baha, malakas na bagyo at iba pang kalamidad ang mga residente ng lungsod kung saan ang mga nailikas na naapektuhang pamilya ay pansamantalang na-evacuate sa school buildings, public gymnasiums, temporary tents, at iba pang pasilidad na pag-aari ng gobyerno.

Ang mga school building sa bansa ay walang disenteng palikuran para sa lalaki at babae, lugar ng labahan, gayundin sa suplay ng tubig at komportableng tutulugan ng mga evacuees kung saan pansamantalang nanirahan ang mga naapektuhang residente.

Upang mapanatili ang kalinisan at mapigil ang pagkalat ng iba’t-ibang sakit ay sinabi pa ni Olivarez na papayagan lamang na ma-okupa ng lima hanggang walong pamilya ang bawat kuwarto ng evacuation center sa panahon ng kalamidad. MARIVIC FERNANDEZ