MAGUINDANAO – Dalawa katao ang bumulagta habang tatlong iba pa ang malubhang nasugatan makaraang bumaliktad ang sinasakyang multicab sa kahabaan ng national highway sa bayan ng Lebak, Sultan Kudarat, kamakalawa ng tanghali.
Hindi na naisalba sa ospital ang buhay ng mga biktimang sina Noralya Kadil, 45; at Yasser Utto na kapwa nakatira sa nabanggit na bayan.
Samantala, patuloy namang ginagamot sa pagamutan ang mga sugatang sina Yasser Silabay, 6; Aisa Blah, 10; at si Lola Fonera Blah, 70, pawang nakatira sa Brgy. Katuli sa Sultan Kudarat, Maguindanao.
Base sa ulat ng pulisya, nawalan ng preno ang multicab na sinasakyan ng mga biktimang pauwi na sana bago nagpagewang-gewang sa highway hanggang sa bumaliktad ng ilang ulit.
Naipit ang mga biktima habang ang iba pang pasahero ay tumilapon palabas ng sasakyan kung saan sinaklolohan naman ng ilang residente na nakatira sa gilid ng highway saka dinala sa pagamutan. MHAR BASCO
Comments are closed.