PAMPANGA-PATULOY pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa pag-araro ng isang mini-bus sa mga mga nag-aabang na pasahero at ilang sasakyan sa tapat ng waiting shed sa bayan ng Lubao noong Disyembre 26.
Ang nasabing trahedya ay pumatay ng anim katao at siyam na sugatan, taliwas sa unang ulat na 14 ang nasawi.
Sa report bandang alas 4:30 ng hapon nang biglang salpukin ng rumaragasang Oster Line mini bus ang tricycle, isang kolong-kolong (motor na may side car) at makaladkad ang mga ito.
Ayon kay Police Lt.Col. Julius Javier, hepe ng Lubao Police, tatlong pasahero ng traysikel, 2 nag-aabang sa kalsada at isang konduktor ang mga nasawi sa aksidente.
Lumikha pa ng masikip na trapiko ang nasabing insidente bago na clear ang lugar ng aksidente.
Binabaybay ng mini bus ang kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue Road sa Barangay San Isidro nang araruhin ang tricycle at kolong-kolong sa unahan nito.
Bumangga pa ang bus sa isang waiting shed at poste ng kuryente.
“So after natamaan ng mini bus yung tricycle sa harapan niya, tumama ito sa isang nakaparadang kolong-kolong bago tumama sa waiting shed then poste ng kuryente.
Kakasuhan ng multiple homicide physical injuries and damage to properties ang driver ng mini bus, na sinasabing nawalan ng preso ang kanyang minamaneho.
Ayon sa ilang nakakita, mabilis ang takbo ng mini bus na galing ng Balanga Bataan at patungo sana ng San Fernando, kaya patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing aksidente upang kumpirmahin ang alibi ng driver. VERLIN RUIZ