MUNDO KAILANGANG I-REBOOT

MASAlamin

MAY BAYRUS ang sangkamundohan na kumikitil sa mabuti at maganda. Ito ay tero­rismo. Ang terorismo ay bunga ng pagmamahal ng tao sa kapangyarihan upang makapangyari, at ito ay sumusunod sa kumpas ng pagkagumon.

Bayrus ng maling pananaw sa buhay at daigdig. Kung mababago lamang sana sa pamamagitan ng edukasyon ngunit mismong ang sistema ng edukasyon ay sabit sa inog ng kamalian.

Kung hindi uso ang kapangyarihan, walang terorismo. Kung hindi uso ang kayamanan, walang maghahangad ng kapangyarihan.

Ano nga ba ang ka­yamanan at kapangyarihan kundi mga instrumento ng pagkontrol. Ang kayamanan ay hindi masama ngunit kapag may elemento na ng pagkagahaman ay lihis na.

Sa ngayon ay nagtatago ang pagkagumon sa kapangyarihan sa likod ng serbisyo publiko at ma­ging sa relihiyon. Nakatago ang pagkagumon sa kayamanan sa mga anino ng terorismo.

Pera-pera lamang ang ISIS, at ang CIA na umano’y may likha nito ay kapangyarihan naman ang pinupuntirya. Kapag may kapangyarihan, busog din naman ang bulsa.

Ideyolohiya nga ba o dikta ng kapangyarihan at kayamanan? Maliwanag naman ang sagot dito. Kaya nilang pumatay ng napakaraming tao para sa kapangyarihan at ka­yamanan.

Pero paano itong mga ginagamit at nagpapagamit bilang mga human bomb? Sila ang mga nauto gamit ang virus ng galit.

Ang mga inosenteng tao naman ay pinasusunod at pinaniniwala sa pamamagitan ng propaganda, na may nadagdag na bagong mukha ngayon, ang social media.

Ang katotohanan ay binubusalan ng kapangyarihan at kayamanan. Kaya naman kaawa-awa na ang mga inosenteng tao sa buong daigdig, napa-susunod at napaniniwala sa pamamagitan ng propaganda.

Ang terorismo ay taktika upang mapawi ang uhaw ng mga buwitre sa kapangyarihan at kaya­manan.

Paano nga ba malalaman ng mga inosente na nilalaro na lamang sila ng mga puwersa na nasa likod ng mga pandaigdigang pangyayari?

Basta hindi paggalaw ng Panginoong Diyos ay kagagawan lamang ng tao. Kapag kagagawan ng tao, nararapat lamang na suriin at alamin ang inten-siyon sa likod nito.

May mga paggalaw na inaakala ng marami na mabuti, ngunit sipatin ang tunay na intensiyon para maging mas malinaw ang perspektiba.

Ang Diyos ay mapag­likha, hindi mapanira. Diyan pa lamang sa katotohanan na ‘yan mapagtatanto kung tao nga ba o Diyos ang may kagustuhan sa mga pangyayari at paggalaw ng isang insidente sa ibabaw ng entablado ng daigdig.

Para mabago ang mundo, kailangan na ng bagong software o kaya naman ay i-reboot.

Comments are closed.