(Mungkahi sa LTFRB) TANIM-PUNO IPATAW SA MGA KOLORUM, PASAWAY SA KALSADA

PUNO

IMINUNGKAHI ng commuter advocate group na Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) na i-require na lamang sa mga pasaway na nangongolorum at mga may franchise violation ang pagtatanim ng puno sa halip na sa mga nag -aapply ng prangkisa.

Ito ang tugon ni LCSP Founder Atty. Ariel Inton sa panayam ng Pilipino MIRROR kaugnay ng direktiba ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na obligahin ang mga nag- aapply ng prangkisa para makapamasada.

“Maraming hindi pabor sa LTFRB Memorandum Circular na ‘yan na gawing requirement ang pagtatanim ng puno bago ma-approve ang mga application nila sa ahensya,” saad ni Inton.

Bukod sa maraming hindi pabor ay maaari rin aniyang pagmulan ito ng red tape dahil ibang ahensiya o ang local government units (LGUs) pa ang mag-cecertify kung nagtanim nga ang mga operator.

“Kapag ganyan ay pahirapan ‘yan sigurado sa pagkuha ng certificate. Hindi pa nga malinaw kung ano ang itatanim, saan magtatanim, at sino ang mag-aalaga ng mga tinanim, saka po-problemahin pa ba ito ng mga nag-aaply ng prangkisa,” pagtatanong pa ni Inton.

Naniniwala ang maraming operators na dagdag pahirap lamang ang idudulot ng nasabing direktiba sa kabila ng pagnanais ng mga ito na maging legal ang kanilang pamamasada.

Inirerekomenda naman ng ilang operators na sa halip na gawing requirement sa pagkuha ng prangkisa ang pagtatanim ng puno ay makabubuti rin na gawing penalty sa mga mahuhuling nangongolorum at idagdag din na penalty sa mga out-of-line na operation, gayundin sa mga namimili ng pasahero o sa mga tumatanggi na isakay ang pasahero at sa mga nag oover-charging na drivers.

Naniniwala ang LCSP at mga operator na mas madidisiplina pa ang hanay ng transportasyon at makakatulong sa pag-aalaga ng kalikasan kung ito ang gagawin ng ahensiya sa halip na pahirapan ang mga nag nanais lamang maghanapbuhay ng marangal sa kalsada. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.