NAKAPAKO na sa atin mga isip at alaala na isa ang Filipinas sa may pinakamahal na singil sa koryente sa buong Asya at buong mundo. ‘Yan ang pinaniwalaan nating katotohanan. Alam n’yo bang isa pala tayo sa may pinakamababang presyo ng koryente partikular na tayong mga customer ng Meralco? Tama. Huwag kayong mabigla. Ito ang lumabas sa datos mula sa pag-aaral na ginawa ng International Energy Consultants (IEC). Mismong si Dr. John Morris, ang managing director ng nasabing organisasyon ang nagpaliwanag nito.
Ang mababang presyo ng singil sa ibang bansa sa Asya gaya ng Thailand, Taiwan, Malaysia, Korea, at Indonesia ay dahil pala sa mga subsidiya na nakukuha nito sa merkado. Nasa US$80 billion lang naman ang kabuuang subsidy na nakukuha ng mga bansang nabanggit. Ito ay halos 41% ng kabuuang singil. Nangangahulugan na kung tatanggalin ang subsidiya at ang mga pagbabasehan natin ay ang totoong presyo ng koryente, isa nga ang Filipinas sa pinakamababa ang singil.
Partida pa pala, ano? Wala tayong subsidiya at hindi tayo gumagamit ng nuclear power. Sa halip ay petrolyong inangkat mula sa ibang bansa ang ginagamit natin pero nananatiling isa sa pinakamababa ang presyo ng koryente sa ating bansa.
Sa kasalukuyan, nasa ika-24 tayo sa kabuuang bilang na 46 na bansa na isinama sa pagsusuri ng IEC kung ang pag-uusapan ay ang presyo ng singil. Akalain n’yo yun?
Mura pala ang koryente rito sa atin tapos napakarami pang angal ang mga militanteng grupo. Eto pa, kung hindi isasama ang VAT, bumaba ng 4% ang presyo ng singil ng Meralco kung ikokompara ito sa presyuhan noong Enero taong 2016. Samantalang sa ibang bansa na kabilang sa survey, umaabot sa 12% ang pagtaas ng presyo ng koryente.
Kung hindi isasama ang mga subsidiya na nakukuha ng ibang bansa mula sa kani-kanyang merkado, mas mababa pa ng 10% kompara sa average na singil ng koryente sa ibang bansa sa Asya ang presyo ng koryente na sinisingil sa mga kostumer ng Meralco.
Napakalaking tulong talaga ng subsidiya sa pagpapababa ng presyo ng koryente sa isang bansa. Sana tayo ay magkaroon din. Tutal hindi naman nadadagdagan ang mga generator ng koryente sa bansa. Binanggit din kasi ni Morris na nakatulong sa pagbaba ng presyo ng koryente sa Filipinas ay ang pagpasok ng iba pang mga generator sa industriya.
Kung aaralin ang datos na inilabas ng IEC at base na rin sa paliwanag ni Morris, para mapababa ang presyo ng koryente sa bansa kailangang madagdagan ang mga power supply agreement na ipinapasok ng mga generator o magkaroon ng subsidiya.
Kontra sa kaalaman ng marami, mababa pala ang presyo ng koryente rito sa Filipinas. Wala lang kasi tayong mga subsidiya kaya lumalabas na pangalawa tayo sa Asya. Ayun naman pala, patas at rasonable naman ang presyuhan ng Meralco. Mainam talaga may mga ganitong organisasyon na nagsasagawa ng mga ganitong pag-aaral. At kung hindi pa ninyo alam, nasa 17% lang ng ating binabayaran sa Meralco ang napupunta sa kompanya. Ang natitira ay mapupunta na sa mga third party. Naku ‘yan talagang mga third party na ‘yan e. Sila yata ang tumitiba.
Comments are closed.