UMARANGKADA na ang pagbebenta ng mga murang commercial rice at asukal sa mga supermarket alinsunod sa isang programa ng Department of Trade and Industry (DTI).
Sa “Presyong Risonable Dapat Program” ng DTI, dapat hindi lalagpas sa P38 ang presyo ng kilo ng commercial rice at P50 ang presyo ng kilo ng asukal.
Kabilang sa programa ng DTI ang 88 branches ng Robinsons Supermarket kung saan nakabili ang isang konsumer ng tig-P34 kada kilo na bigas.
Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, layunin ng programa na maipaabot sa mas nakararami ang murang bigas lalo na kung wala nito sa mga palengke.
“‘Yung objective natin dito is maging accessible, available, at affordable ang bigas. Kung hindi sila makapunta ng palengke, o convenient para sa kanila sa supermarket bumili,” ani Castelo.
Ayon kay Mai Magleo, associate vice president for Merchandising ng Robinsons Supermarket, sa kalaunan ay maaari rin silang magbenta ng mas mura pang bigas tulad ng NFA rice.
Bukod sa bigas, ipinako na ng Robinsons’ Supermarket sa P50 kada kilo ang presyo ng puting asukal o refined sugar, na mas mura kumpara sa palengke na nagbebenta ng P60 kada kilo ng puting asukal. Nasa P45 naman ang bentahan sa pamilihan ng brown sugar.
Ayon sa Sugar Regulatory Administration (SRA), nasa P50 kada kilo na ang suggested retail price ng puting asukal pero hiniling ng ahensiya na gawin itong P55.
Sa monitoring ng SRA, nasa P62 kada kilo pa rin ang prevailing price ng refined sugar sa mga supermarkets habang nasa P60 kada kilo naman ang bentahan ng puting asukal sa wet markets.
Sa Biyernes sisimulan na ng Puregold, Gaisano, SM Supermarket, at iba pang mga supermarket ang pagbebenta ng bigas at asukal alinsunod sa “Presyong Risonable Dapat Program.”
Comments are closed.