MURANG KURYENTE ACT, HINDI KASAMA SA BUDGET NG DOE SA 2020

DOE

INAMIN sa pagdinig ng budget sa House Committee on Appropriations na hindi kasama sa pondo ng Department of Energy ang budget para sa implementasyon ng Republic Act 11371 o Murang Kuryente Act.

Ayon kay Energy Sec. Alfonso Cusi, kukunin muna sa National Treasury ang pondo para sa pagpapatupad ng Murang Kuryente Act.

Sa ilalim ng nasabing bagong batas, maaaring mabawasan ng hanggang P200 ang bayarin sa koryente ng mga konsyumer kada buwan.

Aabot sa P2.3 bilyon  ang pondo para sa taong 2020 ng DOE at sinabi ni Cusi na ang malaking bahagi nito ay para sa implementasyon ng electrification program.

Target ng nasabing programa na maserbisyuhan na ang mga malalayong lugar sa bansa na hindi pa naaabot o kinakapos ang suplay ng koryente.

Ipinagmalaki pa ng kalihim na 61 milyon  na mga Filipino at 775 na mga sitio na ang nakikinabang at naaabot ng suplay ng koryente sa bansa. CONDE BATAC