MURANG LIVER TRANSPLANT SA NKTI — SEN. BONG GO

LIVER TRANSPLANT

DARATING ang panahon na hindi na kakailanganin ng mga Filipino na pumunta ng abroad at gumastos na mahal para lamang sa liver transplant dahil bubuhusan na ng pondo ng pamahalaan ang pagbili ng mga kagamitan at maging training ng mga doktor sa ibang bansa para sa liver transplant operation.

Ito ang inihayag ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go matapos niyang imungkahi kay Pangulong Rodrigo Duterte ang short-term at long-term na solusyon ukol sa problema sa mahal na liver transplant sa bansa.

Sa ngayon, ang liver transplant operation ay mas mahal ng halos tatlong beses sa P1.2 million sa bansang India. Tanging mga pribadong ospital lamang sa bansa ang may kakayahang gumawa nito.

Ani Go, ang short-term solution ay ang pagbuo ng consortium sa pagitan ng Office of the President (OP), Department of Health (DOH), Philippine Children’s Medical Center (PCMC) at The Medical City (TMC), isang pribadong ospital.

Sa ilalim ng consortium, tinatayang P3.6 million ang ilalaan sa bawat benepisyaryo, P2.9 million ay bayad sa operasyon sa TMC habang ang natitirang halaga ay ibabayad naman sa pre-operation at post-operation care sa PCMC.

Ang long-term solution naman ay ang pagbili ng mga makabagong kagamitan para pagandahin at gawing advance ang pasilidad ng NKTI. Kasama rin sa plano ang pagpapadala ng mga Pinoy specialist staff sa Kaohsiung Chang-Gung Memorial Hospital (KCGMH) sa Taiwan para sumailalim sa training.

Dagdag ni Go, gagastos ang pamahalaan ng P58.1 million para sa pagbili ng mga makabagong kagamitan sa NKTI habang P1.3 million naman para sa 12 batches ng mga specia­lista na magsasanay ng isa hanggang dalawang buwan sa Taiwan.

“Nais natin na ang mga pasyente ay magtiwala po sa mga kakayahan ng ating mga doktor. Gusto nating sabihin sa kanila na hindi na nila kailangan pumunta ng ibang bansa para sa liver transplant. Magtiwala sila sa ating local doctors,” pahayag ni Senador Go.

Iminungkahi rin   nito ang pagkilos ng i­lang sangay ng pamahalaan tulad ng DOH para makakuha pa ng ibang assistance ang mga pas­yente at mas mapagaan pa ang pagbabayad sa kanilang ospital.

Sinabi rin ni Go na ang mga pasyente ay puwede ring mag-avail ng serbisyo ng Malasakit Center, isang one-stop shops na nagpapabilis ng pagkuha ng medical at financial assistance mula sa Philhealth, DOH, DSWD at PCSO.

Comments are closed.