(Ni CT SARIGUMBA)
MARAMI sa atin ang hindi sanay na kumain ng almusal. Kape lang, puwede na. Pero may iba naman na hindi sanay na walang kinakain lalo na sa almusal. Paggising pa lang, agahan o pagkain na ang hinahagilap.
Iba-iba nga naman ang trip o nakahiligan ng marami sa atin. May ilan na sa pagmulat ng mata, kumakalam na kaagad ang sikmu-ra at naghahanap na ng makakain. Samantalang ang iba naman, walang ganang kumain sa agahan at ang gusto lang ay ang humigop ng mainit na kape.
Kung mayroon mang pinakamahirap ihandang meal sa buong araw, iyan ang almusal. Paano nga naman, tutulog-tulog pa ang diwa natin at kinatatamaran pa ang gumalaw pagkagising na pagkagising. Mahirap ding mag-isip ng kakaibang putahe na magugus-tuhan ng pamilya.
Kaya’t madalas tuloy, kung ano iyong nasa kusina o sa ref, iyon ang inihahanda natin sa pamilya. Hindi na natin alintanang nag-sasawa na sila sa inihahanda natin at ayaw na nilang kainin.
Sayang ang pagkaing inihanda kung hindi naman makakain ng mga mahal natin sa buhay sa dahilang sawa na sila o paulit-ulit na nilang kinakain. Kaya, importanteng may mga ideya tayo na kakaiba. O sabihin mang hindi kakaiba ang putahe pero sasarap pa rin iyan sa panlasa at paningin kung bago ang pagkakahanda.
Sa agahan pa man din, isa sa iniisip nating ihanda ay ang mga putaheng madali lamang lutuin. At isa sa maaaring subukan ay ang Omelet with a twist o ang Mushroom and Egg White Omelet.
Isa ang omelet sa paborito ng marami dahil nga sa napakadali nitong lutuin at napakarami ring puwedeng isama o isahog na swak sa panlasa at bulsa. Pero hindi lamang simple ang omelet na gagawin natin dahil lalagyan natin ito ng mushroom. Egg white lang din ang gagamitin natin.
Sa mga nais subukan ang paggawa nito, narito ang mga sangkap na kakailanganin natin:
2 kutsarita ng olive oil o kahit na anong klase ng mantika na ginagamit sa pagluluto
4 button mushrooms, hiwa-hiwain ayon sa nais na laki
2 scallions, hiwain
4 na malalaking egg whites
asin at paminta, katamtaman ang dami
1 ounce Cheddar, shredded (1/4 cup)
PARAAN NG PAGLULUTO:
Ihanda lahat ng mga kakailanganing sangkap. Matapos na maihanda ang mga sangkap, magsalang na ng lutuan o kawali. Pagkatapos ay lagyan ito ng mantika o olive oil. Kapag mainit na, ilagay na ang hiniwa-hiwang mushrooms at scallions. Lutuin. Halo-haluin. Kapag naluto na, tanggalin na sa lutuan.
Sa isang lalagyan, batihin ang egg whites. Lagyan ng paminta at asin. Kapag nahalo nang mabuti, isalang ulit ang kawali at lagyan ulit ng mantika. Lutuin ang egg whites. Kapag luto na ang egg whites, ilagay na ang mushroom at scallions. Isama na rin ang cheddar o kahit na anong klase ng cheese na gusto o swak sa inyong panlasa. Pagkatapos ay i-fold na ang egg whites.
Simpleng-simple lang ang paggawa at abot-kaya pa sa bulsa ang presyo ng mga sangkap. Bukod din sa scallions at mushroom, marami pa rin ang maaaring isama sa egg white omelet. Puwede rin itong samahan ng kamatis at spring onions. Ang ilan naman, nilalagyan ito ng sausage. Puwede rin naman ang broccoli o kangkong.
Kumabaga, kahit na anong gusto mong ilagay na toppings o gulay na swak sa panlasa ng buong pamilya ay puwedeng-puwede.
Kaya kung naghahanap kayo ng pagkain o lutuing madali lang lutuin, subukan na ang Mushroom and Egg White Omelet. Paniguradong approve na approve ito sa panlasa ng inyong pamilya.
(photos mula sa realsimple.com, huffpost, openfit.com)
Comments are closed.