MUSLIM CEMETERY ITATAYO SA MAYNILA

Muslim Cemetery

KASADO na at maisasakatuparan na ang isa sa mga mithiin ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila na makapagpatayo ng isang Muslim Cemetery.

Kasunod ito ng paglagda ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa isang ordinansa na nag-aatas ng pagtatayo ng bagong sementeryo para sa mga namatay na kapatid na Muslim.

Sa nilagdaang Ordinance No. 8608, tinata­yang aabot sa P49,300,000 ang halaga ng pondo na inilaan para sa development ng bagong sementeryo sa Manila South Cemetery.

Ilan sa mga witness ng paglagda ay sina Vice Mayor Joney Lacuna-Pangan, Majority Floor Leader Joel Chua, Second District Councilor Darwin “Awi” Sia na siyang principal author at mi­yembro ng Manila City Council.

Kasama sa bagong sementeryo ang pagtatayo ng Cultural Hall gayundin ang pagbuo ng plantilla items para sa hiring ng personnel sa ilalim ng bagong Muslim Cemetery Division.

Ang Manila Muslim Cemetery ay nasa 2,400 square meters ang lote na magsisilbing eksklusibong libingan ng mga Muslim na residente ng Maynila.

“It is hereby declared the policy of the City Government of Manila to confer recognition to the Muslim community in Manila with their inherent cultural attributes and customary traditions, especially in terms of caring for the remains of their departed, by defining a burial ground in the South Cemetery and a special body intended to manage [it],” nakasaad sa ordinansa. Ang operasyon nito ay kontrolado at pamamahala ng Manila Health Department (MHD).

Ayon kay Domagoso, nilagdaan ang nasabing ordinansa upang kilalanin ang katangiang kultura at tradisyon ng mga Muslim community.

“Ito ay isang tanda ng ating paggalang sa kasaysayan ng ating minamahal na lungsod na noon ay pinamumunuan tayo ng ating mga kapatid na Muslim, mga Rajah, mga Sultan,” anang alkalde

“Sa ganitong paraan lamang, muling naipaa­lala kung paano nagsimula ang Lungsod ng Maynila bago pa dumating ang mga kastila,” dagdag pa niya.  PAUL ROLDAN

Comments are closed.