PATONG PATONG na kaso ang kinakaharap ngayon ng isang muslim makaraang arestuhin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Nakatakda ng sampahan ang suspek na kinilalang si Kumat Bhagwandas Thadani, alyas Solo ng mga kasong robbery extortion, estafa at grave threat .
Inaresto ang suspek dahil sa panghihingi nito ng halagang P200,000 hanggang P300,000 sa isang biktima bilang kabayaran sa danyos sa kanyang hiniram na sasakyan na nasagi.
Ayon sa NBI Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD., nirentahan ng complainant ang sasakyan sa Angel Rent a Car mula Marso 25 hanggang Abril 3, 2023.
Ngunit bago pa man matapos ang kanilang kasunduan ay nasagi ng bahagya ng isang motorsiklo ang nirentahan na sasakyan na nagresulta ng maliit na dent at mahabang scratch.
Ang nangyari ay agad ipinaalam ng complainant kay Solo at pagbalik ng sasakyan ay nagkasundo sila na ipare-repair ang sasakyan at hindi na gagamitin ang insurance kundi babayaran na lamang si Solo ng P35,000.
Sa kabila na nakapagbigay na ang biktima ng kabuuang P43,000 kay Solo, hindi pa rin ito tumitigil sa pagbabanta na ipapaaresto, kakasuhan ng carnapping at ipakukulong kung hindi siya magbibigay ng P200,000 hanggang P300,000.
Dahil dito, nagpasaklolo na ang complainant sa NBI at ikinasa ang entrapment operation sa isang lugar sa Makati.
Kaagad na inaresto si Solo ng mga tauhan ng NBI ng tanggapin nito ang marked money.
PAUL ROLDAN