MUSMOS NABARIL NG PASLIT NA PINSAN

baril

ALBAY – DEAD on arrival sa pagamutan ang 5-anyos na batang babae matapos mabaril ng anim na taong gulang na pinsang lalaki sa bayan ng Camalig.

Ayon sa report ng PNP Region 5, naganap ang aksidente Sabado ng umaga nang maiwan sa mesa ang kalibre .45 pistola na pagmamay-ari ng isang tauhan ng Philippine Army na ama ng batang nakabaril.

Lumitaw sa pagsisiyasat ng Camalig Municipal Police Station, nahawakan ng anim na taong gulang na bata ang baril na nakita sa ibabaw ng mesa at aksidenteng pumutok ito.

Nahagip naman ng punglo sa dibdib ang batang babae na sinubukang pang isalba sa pagamutan su­balit idineklarang dead on arrival ng mga attending physician.

Ayon kay Police Master Sgt. Armando Revale, tagapagsalita ng Camalig Municipal Police, sa sinagawang pagsisiyasat, ipinatatago ng sundalo ang kanyang baril sa isang kamag-anak kasunod sa utos na alisan muna ito ng bala bago ilagay sa mas ligtas na lugar.

Hinala ng mga pulis, posibleng hindi marunong mag-unload ng bala ang kaanak kaya biglang pumutok ang baril nang makalabit umano ng bata.

Sinasabing maaring makasuhan ng grabeng kapabayaan ang sundalo na may-ari ng baril, ang ina ng bata at ang sinasabing kaanak na naaatasang mag-unload ng baril. VERLIN RUIZ