‘MUST-WIN’ ANG MAGNOLIA VS TERRAFIRMA

Mga laro ngayon:
(Ninoy Aquino Stadium)
5 p.m. – Magnolia vs Terrafirma
7:30 p.m – Meralco vs NorthPort

SISIKAPIN ng Magnolia na makabawi mula sa pagkatalo sa TNT sa pagsagupa sa Terrafirma sa PBA Governors’ Cup ngayong Linggo sa Ninoy Aquino Stadium.

Ang Hotshots ay galing sa 88-82 loss laban sa Tropang Giga noong Huwebes sa larong natalo sila makaraang ma-outscore, 10-2, sa homestretch.

“Down the stretch in the last two-three minutes, hindi kami maka-convert or we had a hard time on our execution,” wika ni coach Chito Victolero hinggil sa pagkatalo.

Duplikasyon ito ng unang pagkabigo ng Hotshots sa conference, kung saan tinalo sila ng Meralco sa opener, 99-94.

“Same thing happened to Meralco, we cannot convert down the stretch. So we need to work more on our endgame executions,” dagdag ni Victolero, na ang koponan ay kabilang sa itinuturing na top contender sa season-opening conference.

Sa pagkatalo ay nahulog ang Magnolia sa 1-2 record sa Group A, kung kaya ang kanilang 5 p.m. match kontra Terrafirma ay ‘must-win’ para sa koponan.

Sinabi ni Victolero na tiyak na magiging isang quick turnaround ito para sa Hotshots.

“We just try to focus on Sunday’s game,” aniya.

Ang Terrafirma ay hindi pa nananalo sa tatlong laro sa parehong grupo.

Samantala, sa ikalawang laro sa alas-7:30 ng gabi ay magtutuos ang NorthPort at Meralco.

Ang parehong koponan ay kakalas sa pagtatabla sa second place sa 2-1.
Ang Batang Pier ay galing sa 135-109 pagbasura sa Converge FiberXers kung saan nagpasabog si main man Arvin

Tolentino ng bagong franchise record na 51 points.

Galing din ang Bolts sa lopsided victory kontra Terrafirma Dyip, 107-91. CLYDE MARIANO