MVISP PROVIDERS PINASUSUSPINDE NG LCSP

Ariel Inton

NANAWAGAN si Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) Founder Atty. Ariel Inton na suspindihin ang motor vehicle inspection service (MVISP) providers habang walang maayos na connectivity sa Land Transportation Office (LTO).

Ayon kay Inton, kinakailangang ayusin muna ang naturang sistema at unahin muna ang public service bago ang kitaan sa MVISP.

“Kapag hindi pa maayos ang sistema ay perwisyo ang dulot nito sa motorista na nagpaparehistro ng kanilang mg sasakyan,” wika ni Inton.

Ani Inton,  ilang motorista ang dumulog sa tanggapan ng LCSP at ngpaabot ng kanilang mga reklamo patungkol sa nabanggit na usapin.

Ipinarating ng mga nagrereklamong motorista na nakaranas sila ng pagsasayang ng salapi, panahon at puro kalituhan at hirap habang sila ay nagpapa-renew ng kanilang mga sasakyan.

Bukod pa rito, ipinarating din ng mga motorista ang kanilang mariing reklamo na sumunod na nga sila sa utos kahit napakamahal ang bayad na nagkakahalaga ng P1,800 pati ang reinspection na nasa P900 subalit pagdating sa LTO district office ay ayaw naman tanggapin ang kanilang sasakyan bunsod ng hindi pa raw ito konektado sa MVISP provider kung kayat napilitan silang magpa-emission test mula sa ibang servic provider upang  ma-renew ang sasakyan.

“Sinasabi po sa amin ng mga taga LTO, Dermalog o Stradcom, hindi nila maipaliwanag ng maayos para maintindihan namin at maayos na mairehistro ang aming mga sasakyan,” parating pa ng mga motorista sa LCSP.

Idinagdag pa ni Inton na ilan pa sa mga LTO offices na inirereklamo ng mga motorista ay ang nasa Mabalacat, Mabiga at Cabanatuan. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.