MVP DISMAYADO KAY BALDWIN?

on the spot- pilipino mirror

MAGIGING panauhin sa lingguhang session  ng TOPS ‘Usapang Sports’ ang Philippine Karate Team na tatalakayin ang kanilang paghahanda para sa 31st Southeast Asian Games via Zoom ngayong Huwebes, Pebrero 3.

Nagsasanay sa Philippine Sports Commission (PSC) Training Center sa Baguio City ang grupo. Mabibigyan ng pagkakataon ang  fans  ng karate na malaman ang katayuan at kondisyon ng mga pambansang atleta, sa pangunguna nina 2019 Manila Southeast Asian Games gold medalists Jamie Christine Lim at Filipino-Japanese Junna Villanueva-Tsukii sa lingguhang programa sa alas-10 ng umaga at live streaming sa TOPS Facebook page at YouTube.

Makakasama rin sa programa na suportado ng PSC, GAB at Pagcor si Richard Lim, ang pangulo ng Philippine Karate Sports Federation, inc.



Tapos na ang kontrata ni Chris ­Bachero sa Phoenix Super LPG Fuel  Masters kaya naman unrestrited free agent na ang Fil-Am player kung saan puwede siyang mamili kung saan niya gustong maglaro.  Nagkakainteres sa kanya ang Magnolia Hotshots, gayundjn ang Meralco Bolts.  Kailangan daw ng Hotshots si Bachero, bagaman marami na sa team ang katulad ng position nito na small guard at shooting guard. May lugar pa ba si Bachero sa Hotshots?

Ang Bolts naman ay talagang kailangan ang katulad  ni Chris dahil nawala nga sa kampo ng Meralco si John Pinto na lumipat  sa Brgy. Ginebra. Si Bachero umano ang  pupuno sa kakulangan ng Meralco.



Dismayado nga ba si  Manny V. Pangilinan kay coach Tab Baldwin na dating head coach ng Gilas Pilipinas? Si Baldwin ay naging head coach ng Ateneo Blue Eagles basketball team na napag- champion niya kaya ipinagkatiwala sa kanya ni MVP ang national team.

Ngunit dahil ang ilang players ng Gilas ay naglipatan  na sa Japan B. League ay nagtaka ang MVP group. Dahil dito ay  nag-step down si Baldwin sa pagigung head coach ng Gilas.

Ang ibig  bang sabihin  nito ay  ayaw ng mga miyembro ng Gilas si coach Tab kaya iniwan nila sa ere ang Amerikanong coach?

Sa ngayon ay si coach Chot Reyes  na ang muling hahawak sa national team.   Anyway, wala namang problema kay coach Reyes, sanay na ito sa mga tactics pagdating sa mga  international tournament. Ibabalik ni coach Reyes ang mga PBA player sa Gilas. Good luck!