MVP GROUP BUO ANG SUPORTA SA LABAN KONTRA COVID-19

JOE_S_TAKE

MULI na namang tumaas ang bilang ng nadadagdag na bagong kaso ng COVID-19 sa bansa kada araw. Bunsod nito ay muli na namang tumitindi ang laban ng bansa kontra  pandemyang ito. Bilang tugon, sanib-puwersa ang pribado at pampublikong sektor sa pagsusumikap na makontrol ang patuloy na pagkalat ng virus sa bansa.

Sa panig ng pribadong sektor, isa sa mga nangunguna sa laban kontra COVID-19 ang MVP Group na pinamumunuan ng negosyante at pilantropong si Manny V. Pangilinan. Mula nang magsimula ang laban kontra COVID-19 ay nagpakita na ng mataas na antas ng suporta sa pamahalaan ang grupo ni Pangilinan.

Isa sa mga kritikal na bagay sa laban kontra sa pandemyang ito ang pagsiguro na makakakuha ang pamahalaan ng sapat na bilang ng bakuna para sa mga mamamayan, ngunit hindi rito nagtatapos ang lahat. Matapos ang pagkuha ng bakuna, isa sa mga mahalagang bagay na dapat siguraduhin ay ang seguridad at maayos na paglalagyan ng mga ito upang mapanatili ang bisa ng  nasabing mga bakuna bago ito ipamahagi.

Ang MetroPac Movers, Inc. (MMI), isang kompanya ng MVP Group na nangangasiwa sa logistics, ang nangunguna sa kampanya ukol sa pagpapabakuna ng bansa. Kamakailan ay tinanggap nito ang 487,200 na dosis ng bakuna ng AstraZeneca upang pansamantalang ilagak sa pasilidad nito sa Marikina. Nauna na ring pinangasiwaan ng MMI ang unang batch ng dosis  ng bakuna na dumating sa bansa noong nakaraang buwan mula sa Sinovac ng China na may kabuuang bilang na 600,000.

Ipinamalas ng MMI ang dedikasyon nito sa pagtulong sa muling pagbangon ng ekonomiya ng bansa. 24/7 ang operasyon ng mga warehouse nito upang masiguro ang tuloy-tuloy at hindi maaantalang paggalaw ng mga produktong itinuturing na pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan. Ngayon naman ay inako nito ang responsibilidad sa kritikal na pangangalaga ng mga dosis ng bakuna na pumasok sa bansa.

Sina vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque, at Marikina Mayor Marcy Teodoro ang nagpatunay  sa kakayahan ng MMI na pangalagaan ang dosis ng bakuna mula sa AstraZeneca nang bisitahin nito ang pasilidad ng kompanya.

Malaki rin ang papel na ginagampanan ng koryente sa ating laban kontra COVID-19.

Isang halimbawa rito ang patuloy na pagpapailaw ng Meralco sa mga bagong vaccination center, gaya ng pinailawan nito kamakailan sa Parang, Marikina City. Upang makumpleto ang pagpapailaw ng nasabing bagong pasilidad, nagtayo ang Meralco ng kongkretong poste na 15 metro ang taas sa lugar. Naglagay rin ito ng dalawang 50-kVA na distribution transformer, at ng pasilidad ng paglalagyan ng metro.

Ang bagong vaccination center na ito ay isa lamang sa maraming pasilidad para sa laban kontra COVID-19 na matatagpuan sa lugar na sakop ng Meralco. Ang mga pasilidad na ito ay binibigyan ng mataas na prayoridad na mabigyan ng sapat, ligtas, at maayos na supply ng koryente bilang suporta at tulong sa pamahalaan ngayong panahon ng pandemya.

Sa kasalukuyan, umabot na sa higit sa 90 ang bilang ng mga pasilidad na pinailawan ng Meralco. Ilan dito ay mga ahensiya ng pamahalaan, pribado at pampublikong ospital, mga laboratoryong ginagamit sa testing, pasilidad para sa mga kailangang mag-quarantine, vaccination center, at mga treatment center.

Bahagi ng istratehiya ng Meralco sa pagsiguro na maaasahan ang supply ng koryente ng mga nasabing pasilidad, binabantayan nito ang mga circuit na kinabibilangan ng  nasabing mga pasilidad upang mabilis na maibalik ang supply ng koryente ng mga ito sakaling magkaroon ng hindi inaasahang problema.

Ang Metro Pacific Hospitals, Inc. (MPHHI) na kabilang din sa MVP Group ay mahalaga rin ang papel na ginagampanan ngayong panahon ng pandemya. Kamakailan ay inanunsiyo nito na nagsimula na ang nasabing ospital sa pagbabakuna sa mga empleyado nito.

Noong ika-12 ng Marso 2021, nasa higit 13,000 na ang bilang ng mga empleyado ng Metro Pacific hospital group na nakatanggap ng bakuna kontra COVID-19. Tiyak na madadagdagan pa ito sa mga susunod na araw.

Ang mga malalaking ospital na pinangangasiwaan ng MPHHI – Makati Medical Center, Asian Hospital and Medical Center, at Cardinal Santos Medical Center – ay nakapagtala na rin ng mataas na bilang ng empleyadong nabakunahan. Nasa higit sa 50% na rin ng kabuuang bilang ng mga empleyado ng MPHHI ang nabigyan ng bakuna. Tinatayang nasa 10,000 pa ang bilang ng inaasahang mabibigyan ng bakuna sa mga susunod na araw.

“We are the largest private hospital group in the Philippines, and it’s important for us to help the country’s vaccination drive as much as we can. And that begins with getting our hospital workers inoculated,” pahayag ni Chairman Manuel V. Pangilinan.

Ang PLDT, na kabilang din sa MVP Group, ay nakikipagtulungan sa MPHHI sa paglulunsad ng isang digital na plataporma para sa mga ospital sa bansa. Layunin ng nasabing proyekto na masiguro na may iba’t ibang plataporma ang ospital sa pagbibigay ng serbisyo sa mga pasyente nito.

Samantala, ang Maynilad naman ay patuloy sa pagpapakita ng suporta sa mga ospital sa pamamagitan ng pagkakabit ng mga contactless hand wash station sa mga ospital upang hikayatin ang mga empleyado at mga customer nito  sa madalas na paghuhugas ng kamay. Sinisiguro rin nito ang maayos at sapat na supply ng tubig sa mga pasilidad na nakalaan para sa laban kontra COVID-19. Sinisikap din nitong mapabilis ang pagsusumite ng mga teknikal na requirement kaugnay ng supply ng tubig para sa mga malalaking pasilidad na ginagamit para sa quarantine, at iba pang pasilidad para sa kalusugan.

Ang mga nabanggit ay ilang halimbawa lamang kung paano nagpapakita ng suporta at tulong sa pamahalaan ang mga miyembro ng pribadong sektor gaya ng MVP Group. Gaya ng pamahalaan, nagsusumikap din ang pribadong sektor sa pagpapabuti ng kalagayan ng kalusugan at kaligtasan ng mga mamamayan sa gitna ng pandemyang COVID-19. Kabilang dito ang pagsiguro na magiging maayos ang pangangalaga at pamamahagi ng mga dosis ng bakuna na pumapasok sa bansa.

Bagama’t  nagsisimula nang pumasok ang mga dosis ng bakuna sa bansa, hindi pa rin tayo dapat makampante. Ang muling pagtaas ng bilang ng mga positibong kaso ng COVID-19 kada araw ay isang patunay na dapat pa rin nating ipagpatuloy ang pag-iingat. Kailangan ding ugaliin ang mahigpit at maayos na pagsunod sa mga protokol ng pamahalaan ukol sa kaligtasan at kalusugan upang makontrol ang pagkalat ng virus.

One thought on “MVP GROUP BUO ANG SUPORTA SA LABAN KONTRA COVID-19”

Comments are closed.