MVP GROUP KATUWANG NG PAMAHALAAN SA PAGPAPAUNLAD NG BANSA

NAPAKAHALAGA ng tungkulin ng teknolohiya sa larangan ng mga negosyo sapagkat ito ang nagtutulak tungo sa pagsasaayos ng serbisyo para sa mga konsyumer.

Dahil naging bahagi na ito ng araw-araw na pamumuhay pati na ng mga operasyon, pinaniniwalaang ang mga kompanyang may technological advancements ang mas may kakayahang umunlad.

Sa Pilipinas, kapansin-pansin din ang tuloy-tuloy na technology adoption ng mga kompanya katulad na lamang ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) — isa sa mga conglomerate na may negosyo sa koryente, tubig, toll road, light rail, healthcare, at agrikultura — na palaging inuuna ang kapakanan ng mga konsyumer sa pamamagitan ng pagpapabuti ng serbisyo gamit ang teknolohiya.

Sa isang panayam sa Context PH, binigyang-diin ni MPIC Chairman Manuel V. Pangilinan o MVP ang kahalagahan ng teknolohiya sa pagpapabuti ng serbisyo ng mga kompanya sa ilalim ng MPIC.

Isa na rito ang ang PLDT na, ayon kay MVP, ay may two-pronged approach, kung saan prayoridad nito ang paunlarin ang kanilang fixed-line at wireless telco business pati na ng intellectual capital business tulad ng data centers at business solutions.

“We have to focus on that because that’s really where the future values would be—solutions and applications for both individuals and companies,” aniya.

Dagdag pa, ang PLDT ang susuporta sa tuloy-tuloy na technological advancements ng iba pang kompanya sa ilalim ng MVP Group. Kabilang na rito ang mWell — ang kauna-unahang fully integrated at fully digital health at wellness platform, at ang DriveHub mobile application para sa mobility solutions katulad ng RFID transactions, pagpaplano ng mga byahe, at road assistance ng mga customer ng Metro Pacific Tollways Corp.

Sa sektor naman ng enerhiya, inihayag ni MVP ang suporta ng grupo sa plano ng pamahalaan na pasukin ang nuclear technology sa pamamagitan ng Manila Electric Company, sa ilalim ng programa nitong “Powering the Good Life.”

Bilang ang Pilipinas ay isang archipelago, maaari umanong buksan ng Pilipinas ang pintuan nito para sa mga modular power plants upang mabigyan ng mas maayos na serbisyo ng koryente ang mga lugar na hindi konektado sa mga grid.

Binigyan-diin din niya ang kahalagahan na ihanda ang ating mga eksperto para sa nasabing teknolohiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga scholarship grant sa mga nuclear engineer, pati na ang kahalagahan ng capacity-building upang mapalawak ang kaalaman ng bansa sa nuclear at maiwasan ang mga posibleng panganib mula rito.

“Otherwise, it will be like the blind leading the blind, so we got to prepare for that day,” aniya.

Naniniwala si MVP sa malaking posibilidad ng nuclear adoption ng Pilipinas ngayon pa at kabilang ito sa mga ninais ipatupad ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na siya ring taos-puso ang pagtanggap sa mga suportang ibinibigay ng pribadong sektor upang paunlarin ang ating bansa.

Patuloy naman ang pagsuporta ng MVP Group sa mga programa ng pamahalaan sa digitalization ng bansa. Kamakailan, inihayag ng grupo ang suporta nito sa GoDigital agenda ng Private Sector Advisory Council sa pamamagitan ng digitalization ng mga operasyon ng mga negosyo.

Sa ilalim ng Maynilad, inilunsad ng kompanya ang Customer Care QR Code upang mas mapadali na ang pakikipag-transaksiyon ng mga customer sa kompanya. Nakipag-ugnayan naman ang Light Rail Manila Corporation sa Airspeed Group of Companies para sa PopBox, ang bagong lunsad na smart locker system na maaari nang gamitin ng mga customer bilang collection point ng mga package.

Mula sa kanyang “growth” mindset na kanyang ipinapasa sa mga libu-libong manggagawa ng MVP Group, ang mga inisyatibang ito ng kompanya ang nagpapatunay sa pagiging maagap ni MVP sa pagbibigay ng solusyon sa mga pangangailangan ng mga konsyumer at higit sa lahat, upang suportahan ang patuloy na pag-unlad ng Pilipinas.