BINIGYANG-DIIN ang kanyang estado bilang isa sa up-and-coming talents sa Philippine basketball, si Rence ‘Forthsky’ Padrigao ay itinanghal na MVP ng Basketball Without Borders Asia Camp sa India nitong weekend.
Si Padrigao ay isa sa dalawang Pinoy, kasama si Batang Gilas teammate Raven Cortez, na lumahok sa three-day event na idinaos sa NBA Academy India sa Delhi NCR.
May kabuuang 66 boys at girls mula sa 16 bansa ang nakibahagi sa camp, na isang joint project ng NBA ay FIBA.
Si Padrigao ay pambato ng Batang Gilas, kung saan naglaro siya para sa youth team sa 2017 SEABA Championships, gayundin sa FIBA Under-16 Asian Championship kamakailan.
“I have not only improved as a basketball player but also as an individual. The focus here was on your overall development at the personal and professional level, and I am glad to have won MVP at the end of all of it,” pahayag ni Padrigao sa panayam ng The Times ng India matapos ang event.
Nakopo naman ni Sanjana Ramesh ng India ang MVP honors sa girls’ division.
Ang mga player ay ginabayan nina Kelly Olynyk ng Miami, Dwight Powell ng Dallas, Corey Brewer ng Oklahoma City, at Cris LeVert ng Brooklyn, kasama sina WNBA champion Ruth Riley at dating WNBA player Ebony Hoffman.