NAPAKAHALAGA ng pagtutulungan at pagkakaisa sa pagitan ng pampublikong sektor at ng mga miyembro ng pribadong sektor.
Ang mga programa at mga proyekto na bunga ng pagtutulungan ng dalawang sektor na ito ay naghahatid ng malaking tulong sa ekonomiya at makabuluhang pagbabago sa lipunan. Mas napabibilis din ang pagpapatupad ng mga istratehiya at pagkamit sa mga layunin ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, ang pangunahing layunin ng bansa ay ang muling makabangon mula sa epekto ng pandemyang COVID-19 at isa sa mga pangunahing istratehiya nito ay ang pag-ibayuhin ang turismo. Kaya naman buhat nang muling pahintulutan ang pagbiyahe, samu’t saring mga programa na ang inilulunsad ng Department of Tourism (DOT) upang mahikayat ang mga turista na mamasyal sa Pilipinas.
Ang pagpapalakas ng turismo ay hindi lamang nakasalalay sa DOT. Mahalaga rin ang papel na ginagampanan ng Department of Transportation (DOTr) sa pagsiguro na magiging kaaya-aya ang karanasan ng bawat turista sa bansa, Pilipino man o banyaga. Kaya naman ganoon na lamang ang pagkadismaya ng mga mamamayan at maging ng mga mambabatas sa muling pagkakaroon ng aberya sa operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong unang araw ng Mayo.
Nasa 48 na biyahe ang kinansela at humigit kumulang 9,000 na pasahero ang naapektuhan. Bukod sa mataas na bilang na ito, ang katotohanang hindi ito ang unang beses ngayong taon na huminto ang operasyon ng NAIA dahil sa problema sa pasilidad ng koryente ay sapat na upang ulanin nanaman ng mga reklamo at negatibong sentimyento ang Manila International Airport Authority (MIAA).
Dahil isyung elektrikal ang tinukoy na dahilan ng paghinto ng operasyon ng NAIA, agad namang rumesponde ang Meralco upang tingnan ang naging sanhi ng problema. Bagama’t walang nakitang isyu sa linya ng Meralco, minabuti pa rin ng mga crew na manatili sa paliparan upang tulungan ang mga mga electrician at mga engineer ng MIAA.
Batid ang pangangailangan ng agarang aksyon, ipinahayag ng negosyante at pilantropong si Manuel V. Pangilinan (MVP) na tutulong ito sa rehabilitasyon ng naturang paliparan. Nakipag-ugnayan siya kay DOTr Secretary Jaime Bautista at kusang loob na inalok ang pagsasagawa ng electrical audit sa NAIA Terminal 3. Libre at walang babayaran ang MIAA rito. Nagalak naman si Sec Bautista at ibinahagi ang magandang balita sa publiko.
Tiyak na magiging malaking tulong ang electrical audit dahil sa pamamagitan nito, matutukoy ang mga problema ng pasilidad at mga bahagi nito na kinakailangan nang palitan at ayusin. Mahalaga ang mga datos na makukuha mula sa audit para makapag-latag ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at MIAA ng mga angkop at pang-matagalang solusyon sa problema.
Ayon sa mga ulat, 2017 pa huling nagsagawa ng electrical audit sa NAIA kaya’t talagang napapanahon na ang muling pagsasailalim nito sa panibagong full electrical audit bago simulan ang gagawing rehabilitasyon dito.
Para sa ganito katinding problema kung saan nakasalalay din ang reputasyon ng Pilipinas, hindi sapat ang “band-aid solution” dahil ang muling pag-ulit ng aberyang ito ay tiyak na magkakaroon ng negatibong epekto sa turismo. Maaaring mawalan ng interes ang mga turista sa pagbisita sa bansa – isang bagay na taliwas sa layunin ng pamahalaan na muling palakasin ang turismo.
Isa kasi sa mga naunang panukalang solusyon ay ang pagkakaroon ng mga karagdagang generator set (genset) bilang tugon sa mga nangyayaring problema sa koryente ng NAIA. Nagbigay naman ng paalala ang Meralco ukol dito dahil mas mahalaga anila ang masigurong maayos ang electrical system kaysa magdagdag ng karagdagang genset dahil hindi naman nito mapipigilan ang muling pagkawala ng koryente sa paliparan.
Mismong si Senator Grace Poe bilang Chairman ng Senate Committee on Public Services ay kabilang sa listahan ng mga mambabatas na nagpahayag ng kanyang pagkadismaya sa muling pagkakaroon ng problema sa operasyon ng NAIA. Bagama’t ikalawang beses itong naganap ngayong taon, kung ating babalikan, mayroon na ring ganitong kaganapan noong Setyembre 2022 kung saan pansamantala ring huminto ang operasyon ng NAIA dahil sa problema sa linya nito sa koryente.
Sa puntong ito ng sitwasyon, dahil maka-ilang ulit na itong nangyari sa ating pangunahing paliparan, dapat ay ituon na lamang ang atensyon sa paghanap ng permanenteng solusyon sa halip na mag-aksaya ng oras sa sisihan. Tunay na nakakabilib ang ipinangakong tulong ni MVP. Ito ay patunay na siya, sampu ng kanyang mga kompanya, ay kaisa ng pamahalaan sa pagpapabuti ng lipunan.
Ito ay isa na namang mabuting halimbawa ng magandang bunga ng pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at ng pribadong sektor. Unity o pagkakaisa – iyan ang kinakampanya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM) mula’t sapul dahil ang bansang nagkakaisa ay umuunlad nang magkakasama.