PABORITO ng pamilya ang eggpie para sa dessert, pero dumoble ang presyo ngayong pandemic kaya napilitan kaming gumawa na lang. Subok lang sana pero nakakita kami ng paraan para magkaroon ng instant Negosyo, dahil hindi lang pala kami ang mahiulig sa eggpie. Kaya ngayong araw na ito, nais naming ibahagi sa inyo ang recipe ng masarap at murang eggpie, napwedeng pwedeng pagkakitaan.
Heto po ang mga sangkap para sa anim na llaneraang eggpie. Para sa crust, kailangan natin ng dalawang tasang (2 cups) all purpose flour, 50 grams (2 tbsp) ng butter o margarine, ¼ cup ng tubig, ½ tsp baking powder, ¼ tsp asin, at 2 tbsp asukal. Masahin hanggang maging malambot at isantabi muna.
Para naman sa palaman, isang lata ng evaporated milk, isang lata ng condensed milk, 5 medium sized eggs, katas ng isang kalamansi at 1 tsp vanilla flavor. Pagsamasamahin ito at salain ng tatlong ulit. Isantabi uli.
Punasan ng mantika (vegetable oil ang mga llanera (pwede ring margarine). Hatiin sa anim ang minasang crust, at pagulungan ng rolling pin hanggang sa maging manipis. Ilagay sa mga llanera at siguruhing sobra ang sukat nito sa mga hulmahan. Siguruhin ding maayos ang pagkakalapat ng crust. Ilagay muna sa refrigerator ng isang oras para tumigas ang crust. Kapag matigas na, lagyan ng isa at kalahating tasa milk-egg mixture ang bawat llanera. Ayusin ang mga tagiliran. Habang ginagawa ito ay painitin ang oven sa P150 degrees. Kapag mainit na, ilagay ang mga llanera at lutuin sa loob ng isang oras. Hanguin pagkatapos.
COSTING
Para lang po tayong gumawa ng leche flan, na nadagdagan lang crust, kaya hindi naglalalayo sa P30 ang puhunan bawat llanera. Pero para sigurado, heto po ang kwenta ng ating mga nagastos. Para sa 2 tasang all purpose flour, P15; sa 50 grams (2 tbsp) na butter o margarine, P5; sa ½ tsp baking powder, ¼ tsp asin, at 2 tbsp asukal, P5. Evaporated milk, P22; condensed milk, P44; limang itlog, P35 at P5 para sa mantika at calamansi. Lahat-lahat, umabot tayo sa puhunang P131. Idagdag natin ang P50 para sa labor at kuryente kaya umabot tayo sa P181. Dahil anim na llanera ang ating nagawa, lumalabas na P30.70 ang puhunan bawat isa. Dagdagan pa natin ng P2 para sa packaging at ribbon kaya P33 ang puhunan bawat isa. Pwede po natin itong ibenta ng P40-50 bawat isa, depende kung saan kayo nakatira. Kami po, P45 namin binibenta at ang bilis po talagang naubos yung anim na piraso. Sa P45 each, kumita kami ng P270. Kung ibabawas natin ang puhunang P181, lumalabas na kumita kami ng P89 sa anim na pirasong eggpie ng walang kahirap-hirap. Mas marami kayong gagawin, mas malaki ang inyong kikitain. Sa harapan lang po ng bahay kami nagtinda kaya konti lang ang aming ibinenta, pero kung sa mas mataong lugar kayo pupwesto, kayang kaya ninyong magbenta ng kahit 50 piraso sa loob ng kalahating araw. By the way, pwede pong ilagay muna sa freezer hanggang isang lingo ang mga nagawang crust kung hindi pa ninyo gagamitin. Kung reserba lang ito para sa susunod na araw, pwede pong sa chiller na lamang.
Magkita tayong muli sa mga susunod na labas ng Pilipino Mirror. Kung mayroon kayong mga tanong o may recipe kayong gustong ipa-feature, sumulat po lamang sa [email protected]. NENET L. VILLAFANIA
Comments are closed.