MASAYANG-masaya at excited na sina Mylene Dizon at Kylie Alcantara dahil sila ang napiling gumanap na mag-ina sa TV adaptation ng “Bilangin Ang Bituin Sa Langit” na isang Nora Aunor film noong 1989.
Si Mylene ang gaganap sa character ni Nora na si Magnolia dela Cruz sa gagawing remake ng GMA 7. Si Kylie naman ang lalabas na anak ni Mylene.
Sa 1989 film ni Nora na idinirek ni Elwood Perez ay si Ate Guy ang gumanap bilang Magnolia at Maggie. Sa TV remake si Nora ang gaganap na ina ni Magnolia na si Aling Cedes na ginampanan ni Perla Bautista sa movie.
Hindi makapaniwala sina Mylene at Kylie na makakasama at makakatrabaho pa nila ang nag-iisang Superstar ng Philippine Cinema.
Sabi ni Mylene, isang karangalan na makatrabaho sa unang pagkakataon si Nora at hindi raw niya alam ang gagawin oras na maka-eksena ang Superstar.
Para hindi mapahiya ay pinag-aaralan na ni Mylene kung paano ide-deliver ang mga linyang binitawan ni Ate Guy sa naturang movie na, “Ginagalang ang pangalang Magnolia dela Cruz. Ang hindi nakakakilala sa aking pangalan ay aso lamang!”
Samantala, si Kyline naman ay hindi pa rin makapaniwala na makakatrabaho na niya si Nora dahil nang pasukin niya ang showbiz ay pangarap nang makasama ang nag-iisang Superstar na kanyang hinahangaan.
FANS NI MAXINE MEDINA PURO SULSULERA
PAGDATING sa pagandahan ng katawan ay hindi puwedeng ‘di mabanggit ang pangalan ng beauty queen na si Maxine Medina, kaya naman sangkatutak ang nagsulsol sa former beauty queen-turned actress na kung ano ang dapat nitong gawin sa buhay.
Unang sulsol ng netizen kay Maxine ay maging negosyante na ito na binibenta ay mga bikini lang kasi nga madalas siyang naka-bikini na madalas din niyang ipino-post sa social media. Kaya mas mabuti na kung pagkakitaan na rin niya ito na siya talaga ang may gawa ng disenyo at pangalan niya ang nakalagay.
Pangalawang sulsol o gustong ipagawa sa kanya ng netizen at follower ay gumawa siya ng video na kung maging maganda ang katawan ng isang babae. Yung paano ba ma-maintain ang hubog ng katawan.
Pangatlo na gustong ipagawa sa kanya ng fans niya ay makapasok o mapasama siya sa Darna. Gusto ng kanyang followers na kahit na si Jane de Leon na ang napiling bagong Darna ay magbago ang isip ng Star Cinema para siya ang ipalit dahil kapag nag-swimsuit na raw siya ay siguradong maging ugmang-ugma ang kanyang kaseksihan para guanap na Darna.
Well, sa tatlong wish ng followers ni Maxine ay posibleng mangyari ang una at ikalawa, pero ang ikatlong wish ay tila malabo nang mangyari dahil nagsisimula na si Jane para isigaw ang “Darna!”
Puwede rin naman sigurong mapasama si Maxine sa Darna pero hindi para palitan si Jane de Leon, kundi para maging seksing kontrabida sa movie.
Walang duda naman na talagang napaka-seksi ni Maxine at yan ay kanya namang isi-share sa pamamagitan ng pagpo-post niya na naka-bikini sa social media.