MYOMA SCARY SA KABABAIHAN

SADYANG kina­tatakutan ng mga kababaihan ang myoma (fibroid) dahil walang gamot para rito at wala ring tukoy na dahilan kung bakit ito tumutubo sa babae.

Alam n’yo bang tatlo sa apat na kababaihan ang nagkakaroon ng myoma minsan sa kanilang buhay ngunit ang karamihan ay walang dinaramdam na sintomas.

Ang myoma, base sa pag-aaral, ay ang pagka­karoon ng bukol sa loob ng matris na hindi naman nauugnay sa mataas na tiyansang magka-uterine cancer at napakabihira namang maging kanser.

Ang labis na naka­papangamba ay hindi matukoy ang tunay na kadahilanan ng myoma at maraming kababaihan na may myoma ang walang dinaranas na sintomas.

Gayunman, maaaring magdulot ng mga sintomas depende sa laki, lokasyon sa matris (sub­mucosal, subserosal at in­tramural), at kung gaano sila kalapit sa iba pang or­gans na nasa pelvic area.

Ang uterus o matris ay isang organong hugis peras na nasa bandang puson, sa pagitan ng pan­tog at rectum. Kasama nito ang puwerta, mga obaryo, at lagusan ng itlog na bumubuo sa sis­temang reproduktibo ng mga kababaihan. Ito ay tinatawag ring sinapupu­nan o bahay-bata.

Pangunahing tungku­lin ng matris ang pangangalaga sa kalusugan ng sanggol at maayos na pagbubuntis.

Ang pag-iwas sa my­oma ay maaaring mahi­rap, subalit maliit lamang na porsiyento ng tumor na gawa nito ang nan­gangailangan ng agarang lunas.

SINTOMAS NG MYOMA

  1. Malakas na bu­wanang-daloy, mas ma­habang buwanang-daloy (mga 7 o higit pang araw ng pagdurugo).
  2. Pananakit o ma­kirot na pakiramdam sa bandang puson o pantog.
  3. Paulit-ulit na pag­kalaglag ng dinadala.
  4. Madalas na pag-ihi, mahapding pag-ihi, mahirap ilabas ang ihi o parang binabalisawsaw.
  5. Pagbabago sa pagdumi partikular ang pagtitibi.
  6. Pananakit ng likod, balakang, hita o mga paa.
  7. Makirot o masakit na pakikipagtalik.

PARA IWASAN:

Kumain ng masus­tansiyang pagkain tulad ng isda, mani, gulay at prutas na mataas sa Ome­ga-3, mabuting Kolesterol, Bitamina at Mineral. Regular na sumailalim sa mga karaniwang pagsu­suri para sa kalusugan ng kababaihan tulad ng Pap Smear. Magpabakuna la­ban sa mga karaniwang sakit ng kababaihan.

POSIBLENG DAHILAN

  1. Genetic changes o pag-iiba-iba sa namama­na nating mga katangian mula sa ating ninuno.
  2. Hormones. Ito ay mga kemikal sa katawan na may epekto sa mga parte nito. Ang estrogen at progesterone, ang 2 hormone na konektado sa pagde-develop ng uterine lining kada buwanang-daloy na preparasyon para sa pagdadalang-tao ang nagpapakitang tu­mutulong sa pagtubo ng myoma.
  3. Iba pang mga growth factors tulad ng insulin-growth factor na tumutulong sa pagpa­panatili sa pagpapagana sa katawan, ay maaaring makaapekto sa pagtubo ng myoma.

PANANDALIANG LUNAS

Gonadotrophin-re­leasing hormone (GnRH) agonists. Ang mga gamot na ito ay linulunasan ang myoma sa pamamagitan ng pagpigil sa paggawa ng katawan ng estrogen at progesterone, at nila­lagay ka sa pansamanta­lang postmenopausal na estado.

Dahil dito, titigil muna ang iyong buwa­nang-daloy, lumiliit ang myoma at nag-iimprove ang anemia.

Progestin-releasing Intrauterine Device (IUD). Ito ay nakapi­pigil sa malalakas na buwanang-daloy dulot ng myoma. Nababawasan ng IUD ang sintomas ngunit hindi nito napa­paliit o napapawala ang myoma.

Ibang mga medi­kasyon.

Maaari ring ireko­menda ay ang oral con­traceptives (OCPs) o progestins na tumutulong magkontrol sa napakala­kas na pagdurugo ngunit hindi nila pinapaliit ang myoma. Maaari ring ibi­gay ang non-steroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDS) tulad ng Ibu­profen na epektibo sa pagbawas ng sakit.

Ang pag-inom ng Bitamina at Iron ay maaari ring irekomenda sa iyo kapag meron kang anemia at napakalakas na pagdurugo.

Operasyon. Ang Hysterectomy ay ang pagtanggal ng buong matris kasama na rito ang mga tubo at obaryo.

Kung wala ka nang planong magkaroon ng anak, ito ay epektibo; at dahil tatanggalin na ang buong matris, hindi ka na makara­ranas ng pagreregla o pagdurugo. Subalit da­hil gumagawa ng mga hormone ang obaryo na tumutulong protek­tahan ka laban sa sakit sa puso at mahinang buto, pinakamahusay na hangga’t maaari na huwag itong tanggalin.  VICK TANES

Comments are closed.