MYSTERIOUS DISEASE SA CHINA (Mahigpit na monitoring sa mga airport iniutos ng DOH)

Health Secretary Francisco Duque III-5

IPINAG-UTOS  na kahapon ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang pagpapaigting at istriktong monitoring ng mga biyaherong pumapasok sa bansa kasunod na rin ng ulat na nagkaroon ng outbreak ng isang mister­yosong sakit sa China.

Batay sa ulat, ang naturang karamdaman ay kahalintulad ng isang viral pneumonia na may ‘di batid na pinagmulan at nakaapekto na sa may 44 na indibiduwal.

Kaugnay nito, tiniyak rin ni Duque sa publiko na wala silang dapat na ipangamba dahil ipinag-utos na niya sa Bureau of Quarantine (BOQ) na maging alerto at masusing bantayan ang mga pantalan at pa­liparan upang matiyak na walang biyaherong may taglay ng natu­rang karamdaman ang makapapasok sa bansa.

Partikular na inatasan ni Duque ang BOQ na bantayan ang mga pasaherong makikitaan ng lagnat at mga sintomas ng respiratory infection.

Hinikayat din ng kalihim ang publiko, partikular na ang mga bumiyahe sa China, na kaagad na kumonsulta sa doktor sakaling magkaroon sila ng mga flu-like symptoms.

“I urge the public, especially those with history of travel from China, to seek immediate medical consult if experiencing any flu-like symptoms,” ani Duque.

“Let us also embrace healthy lifestyles, practice proper hand hygiene, and observe cough etiquette to prevent transmission of respiratory infections,” pagtatapos pa niya.

Sinasabing may exposure ang mga pas­yente sa isang uri ng paniki sa gubat.

Ayon sa isang eks­perto, maihahalintulad ang nasabing sakit  na severe acute respiratory syndrome (SARS) na ang mga sintomas ay lag­nat, ubo, pananakit ng katawan at hirap sa pag­hinga. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.