“Nagamit ng anak ko ang PhilHealth nang ma-admit dahil sa acute gastroenteritis noong Agosto at na-confine uli siya dahil sa parehong sakit ngayong Setyembre, magagamit ko ba uli ang PhilHealth ko para sa aking anak?”
– Lindsay, Tuguegarao City
Lindsay, sana ay magaling na ang anak mo. Sa paggamit ng benepisyo, mayroon tayong patakaran na kung tawagin ay Single Period of Confinement o SPC. Sa ilalim nito, hindi magagamit ang benepisyo para sa parehong sakit o diagnosis sa loob ng 90 araw mula sa pagkaka-admit ng pasyente sa unang confinement.
Ito ay sa kadahilanang hindi dapat magkaroon ng parehong sakit ang isang pasyente kung maayos na nagamot ng ospital sa unang confinement pa lang nito. Sa madaling sabi, dapat ay nasiguro ng ospital ang paggaling ng pasyente sa unang pagkakataong nilapatan siya ng lunas.
Ngunit may exemption ang patakarang ito. Hindi sakop ng SPC ang mga procedure na kinakailangan ng pasyente nang paulit-ulit tulad ng chemotherapy, hemodialysis, radiotherapy, at iba ipa.
Sa kabilang banda, babayaran ng PhilHealth ang claim para sa parehong sakit kung lampas na sa 90 araw ang pagitan ng mga confinements.
Sana ay aming nabigyang-linaw ang iyong tanong, Lindsay. Hanggang sa muli!
————————————————————————
“Mayroon ba kayong mobile app para malaman ko kung magkano ang coverage ng PhilHealth para sa mga sakit at operasyon?”
– Clint, Oslob, Cebu
Clint, nagagalak kaming sabihin na mayroong app ang PhilHealth na mada-download nang libre ng mga Android users! Hanapin lang ang PhilHealth ACR Search sa Google Play Store. Makikita sa app ang eksaktong halaga ng benepisyong PhilHealth para sa libu-libong medical conditions at surgical procedures.
I-enter mo lang ang description ng sakit o diagnosis ng pasyente at makikita mo na ang halaga ng case rate para rito. Kung nasa ospital na, itanong ang ICD-10 code ng sakit o RVS Code ng operasyon sa billing section ng ospital – ilagay ito sa PhilHealth ACR Search para masigurong tama ang makukuhang benepisyo.
Kung hindi naman Android user, maaaring pumunta sa PhilHealth website, www.philhealth.gov.ph. Magtungo sa Online Services section at piliin ang Case Rate Search. Pareho lang ang paggamit nito. Kailangan lang ng description ng sakit, ICD-10, o RVS code.
Sana ay nakatulong kami, Clint!
BALITANG REHIYON

Para sa inyong mga katanungan, kumento, at suhestiyon, mag-text sa aming Callback Channel: 0917-8987442. Text PHICcallback <space> Mobile o Metro Manila Landline number <space> detalye ng concern.
Pwede ring magpadala ng e-mail sa actioncenter@philhealth.gov.ph. I-follow kami sa Facebook (PhilHealthOfficial) at Twitter (@teamphilhealth) para sa updates tungkol sa NHIP. Panoorin ang mga videos namin sa YouTube at mag-subscribe sa aming Channel (youtube.com/@teamphilhealth).