NA-WOW MALI, PULIS HINOLDAP

CEBU CITY-NA-wow mali ang isang holdaper nang targetin nitong biktimahin ang isang pulis na nagbibisikleta kahapon ng umaga sa lalawigang ito.

Sa ulat ng Cebu City Police Office Office, kasalukuyang nagbibisikleta ang off duty cop na si Pat. Segred Paul Yorpo ng Mandaue City PNP nang biglang harangin ng suspek na sakay ng motorsiklo sa may kanto ng Don Mariano Cui at Jasmin Street sa Barangay Capitol Site.

Nakiusap si Major Nolan Tagsip, hepe ng Abellana Police Station na huwag munang ibulgar ang kakikilanlan ng suspek dahil sa isinasagawa nilang follow up operation at background nito na hinihinalang may mga kasabwat sa kanyang criminal activities.

Nabatid na bigla umanong naglabas ng baril ang suspek at tinutukan ang pulis at hiningi ang cellphone.

Nang tangkain ng suspek na kunin ang cellphone ng pulis sa bulsa ng cycling short nito, nakakuha ng tiyempo si Yorpo para maagaw ang baril ng holdaper.

Kinumpiska ng pulis ang isang .38 caliber revolver na may 5 bala at nabawi rin ang kanyang cellphone na nagkakahalaga ng P17,000.00 bago tumawag sa Abellana Police Station.

Kasong pagnanakaw ang haharapin ng 40-anyos na suspek na sinasabing naninirahan sa Barangay Tisa, Cebu City, na nasa kustodiya ngayon ng pulisya. VERLIN RUIZ