(Naabot na ng gobyerno) 1M JOBS PARA SA ECONOMIC RECOVERY

NATUPAD na ng pamahalaan ang layunin nito na makapagkaloob ng 1 milyong trabaho noong nakaraang taon bilang bahagi ng employment recovery plan nito sanhi ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, ang pagbuhay sa ‘Build  Build Build’ program ay nagresulta sa paglikha ng 700,000 trabaho sa construction sector pa lang.

May 200,000 employment opportunities naman ang nilikha ng student employment program ng Department of Labor and Employment (DOLE)  at ng livelihood package ng DTI.

“Yes, naabot na natin ‘yan… Naipagpatuloy ‘yung ‘Build Build Build’, marami nang construction [work], construction workers,” sabi ni Lopez sa isang televised briefing.

Aniya, sa Department of Transportation (DOTr) ay mayroon silang service contracting program, libreng sakay na nagbigay ng 11,200 trabaho, habang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay may sustainable rural development.

Samantala, ang Department of Science and Technology (DOST) ay mayroon namang small enterprise trading program.

Ayon sa DTI, hindi pa kasama sa numero ang employment opportunities na ipinagkaloob ng iba pang sektor.

Hindi pa rin naglalabas ng report ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) hinggil dito, dagdag pa ni Lopez.