IKINABAHALA ni Senador Win Gatchalian ang paulit-ulit na isyu ng pagkakaantala ng mga overseas development assistance (ODA) project na sumusuporta sa pag-unlad ng ekonomiya.
“Ang napapanahong pagsasagawa ng mga proyekto ng ODA ay hindi lamang tumutugon sa mga mahigpit na pangangailangan sa pag-unlad ngunit, ito rin ay nagpapahiwatig ng isang responsableng pamamahala,” sabi ni Gatchalian.
“Sinisiguro nito na maayos na ginagamit ang perang pinaghirapan ng mga taxpayer, na nagreresulta sa konkreto at pangmatagalang pagpapabuti sa imprastraktura, kalusugan, at kabuuang kalagayan sa buhay,” dagdag pa niya.
Sa pinakahuling Congressional Oversight Committee on the Official Development Assistance (COCODA) meeting na pinamumunuan nina Gatchalian at Pampanga 2nd District Rep. Gloria Arroyo, sinabi ng senador na karamihan sa mga rekomendasyon para matugunan ang mga pagkaantala sa pagpapatupad ng ODA projects ay ayusin ang palpak na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiyang nagpapatupad.
“Kung titingnan ang ilan sa mga rekomendasyon ng National Economic Development Authority (NEDA), ang mga isyu ng ‘delay’ o ‘timing’ sa pagsasagawa ng ODA projects ay nasa kontrol na ng executive department at dapat maging bahagi na ang mga ito ng pang-araw-araw na operasyon ng mga ahensyang nagpapatupad,” pagpuna niya, sabay banggit ang matagal na pagproseso ng mga permit ng mga ahensiya a ng gobyerno bilang isang halimbawang nagpapaantala sa ilang ODA-funded projects.
Sinabi rin ni Gatchalian na ang paulit-ulit na isyu ng right-of-way (ROW) ay isa pang dahilan ng delayed na ODA-funded projects.
“Nakakadismaya na ang mga simpleng responsibilidad ay hindi man lang magampanan. Expected na alam nyo na ‘yung batas at alam nyo yung proseso. Ito ay inaasahan sa anumang ahensyang nagpapatupad. Paano nauulit ang mga problemang ito?” tanong ni Gatchalian sa ilang implementing agencies gaya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation (DOTr).
Ayon sa NEDA, noong Disyembre 2022 ay may naitalang 48 na tinatawag na active ODA-funded projects na na-delay, kung saan ang iba ay hindi na itinuloy.
VICKY CERVALES