NAANTALANG SAP SA PASAY IPINAMAHAGI NA

IPINAMAHAGI na sa mga taga-Pasay ang naantalang ayuda sa ilalim ng social amelioration program (SAP).

Sinimulan na kahapon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang proseso sa pagkakaloob ng second tranche ng SAP na nagkakahalaga ng P8,000 sa mga kuwalipikadong benepisyaryo na residente ng Pasay.

Sa Facebook page ng Pasay City Public Information Office, sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na ang DSWD at financial service provider (FSP) partner nito na Robinsons Bank gayundin sa pakikipagkoordinasyon sa lokal na pamahalaan ay nakumpleto na ang validation at proseso ng cross-checking sa bawa’t kuwalipikadong benepisyaryo na tatanggap ng financial aid.

Pinayuhan ni Calixto-Rubiano ang mga beni­pisyaryo na maghintay na lamang ng confirmation text message na manggagaling sa Robinsons Bank na magsasabi sa kanila ng detalye kung papaano makukuha ang financial aid.

“Ibibigay na nila ang inyong access code upang kunin na ninyo ang inyong pinakahihintay na tulong ,” ani Calixto-Rubiano sa kanyang video message update sa SAP.

Hiniling din ni Calixto-Rubiano sa Education department ng lungsod na payagan ang distribusyon ng SAP sa mga piling pampublikong eskuwelahan upang hindi na maantala pang muli ang pamamahagi ng naturang ayuda.

“Mayroon din pong i­lang gymnasiums dito kung saan pwedeng makuha ang SAP at pwera ‘dyan, pwede niyo ring kunin sa ilang mga branches ng Robinsons Bank,” ani Calixto-Rubiano.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na ang health protocols ay mahigpit na ipatutupad sa distribusyon ng SAP upang maiwasan ang transmisyon o panghahawa ng nakamamatay na COVID-19. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.