MARIING pinabulaanan kahapon ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr. ang alegasyong pinabayaan ng pamahalaan ang Mindanao, sa gitna nang pananalasa ng bagyong Paeng noong Sabado.
Ipinaliwanag ni Abalos na ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay mayroon namang sariling pamahalaan at ministries na tumutugon sa disaster.
“Hindi po. Hindi naman totoo po ‘yun. Dapat maunawaan natin ang structure of government, may structure tayo,” ayon pa kay Abalos.
Inihalimbawa pa ni Abalos ang pagkakaroon ng BARMM ng sarili nitong Ministry of the Interior and Local Government.
Sa kabila naman nito, tiniyak din ng DILG chief na ang national government ay handang tumulong sa Bangsamoro government kung hihingi ito ng tulong sa kanila.
“Tinatanong nga namin kahapon kung ano ang kailangan nila, ang sabi ng taga-BARRM, ay wala raw silang kailangan pa sa ngayon. They would exhaust all their resources kung meron saka raw sila magsasabi,” giit ng kalihim.
Samantala, sinabi pa nito na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng national government ay nagkaloob na rin ng food packs sa apektadong rehiyon.
Dagdag pa ng DILG chief na ipinahiram rin umano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang desalination machines sa mga apektadong local government units (LGUs) sa BARMM. EVELYN GARCIA