MAY alok ang Department of Agriculture (DA) na pautang sa mga market vendor at financial aid sa mga hog transporter na labis na naapektuhan ng two-month price ceiling sa baboy at manok sa Metro Manila.
Simula kahapon, ang price cap ng kada kilo ng kasim at pigue ay P270; liempo, P300; at 160 kada kilo para sa dressed chicken.
Ayon kay DA Secretary William Dar, magpapautang ang ahensiya nang walang interest para magamit na kapital ng mga market vendor. Ang kaparehong benepisyo ay ipagkakaloob din sa mga backyard hog raiser.
“Alam naman natin na sila ay nasa mercy ng wholesalers. Ito ang inaasikaso ngayon para mabigyan sila ng pautang, zero interest, para mas maraming lumahok sa kampanyang ito,” wika ni Dar sa CNN Philippines.
Sinabi ni National Federation of Hog Farmers Chairman and President Chester Tan na dahil sa price ceiling ay maaaring maraming meat vendors sa Metro Manila ang hindi na magtinda ng fresh products.
Aniya, maraming pork at chicken vendors sa Balintawak Market ang nagbebenta na lamang ng frozen meat dahil malulugi lamang umano sila sa ipinatutupad na price ceiling.
May ilang vendors din ang hindi nagtinda sa unang araw ng pag-iral ng price cap.
Ayon kay Dar, ang “number 1 strategy” ng pamahalaan ay ang paglalaan ng P27 billion na halaga ng tulong para sa commercial hog raisers upang tulungan silang mag-repopulate sa kanilang lugar.
Aniya pa, magkakaloob sila ng transport assistance para sa hog shipments sa Metro Manila. P21 kada kilo ang ibibigay sa mga mag-bibiyahe ng live hogs o meat mula sa Mindanao. P15/kilo naman sa mga nagmula sa Visayas, Mimaropa, Bicol Region, at extreme Northern Luzon, habang P10/kilo ng transport assistance ang ipagkakaloob sa shipments mula sa Calabarzon at Central Luzon.
Comments are closed.