“MALAKI ang naitulong at nabago sa buhay ko at ng aking pamilya dahil sa technical-vocational (tech-voc) training, marami rin akong natulungang mga empleyado namin dahil nabigyan ko ng hanapbuhay at mga estudyanteng tulad ko noon na ‘di alam kung ano ang gusto nilang kurso sa kolehiyo, mayaman man o mahirap.”
Paglalahad ito ni Tina M. Ronato sa kanyang success story bilang technical-vocational education and training (TVET) graduate at trainer ng iba’t ibang kuwalipikasyon/kurso ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Si Tina ay itinanghal na “National Winner” sa ginanap na 2018 TESDA Idols Search.
Holder siya ng walong National Certificates (NC) gaya ng Cookery NCll, Commercial Cooking NC lll, Commercial Cooking NC lV, Bread and Pastry Production NC ll, Food Processing NC ll, Barista NC ll, Bartending NC ll, Food and Beverage Services NC ll at Trainers Methodology TM 1.
Ang kanyang pamilya ay nagmamay-ari ng tatlong TESDA Accredited Training Center na pawang nakabase sa Dumaguete City, Negros Oriental.
Ito ay ang Teamskills School for Culinary and Hospitality Management (TSCHM) na itinayo noong 2010 kung saan si Tina ang Chief Operating Officer/School Director, People Skills and Management Institute, Inc.(PSMII) na itinayo noong 2013 para sa call center agent training at International Skills Republic Academy Inc. (ISRAI), na itinayo noong 2016 para sa mga kuwalipikasyon na Events Management Services NC lll, Tourism Promotion Services NC ll at Travel Services NC ll.
Nakamit niya ang nasabing tagumpay dahil sa ipinakitang sipag, tiyaga, diskarte sa kanyang mga pinasukang trabaho.
Sa murang edad ay namulat na sa hirap ng buhay si Tina dahil sa pagkaulila nila sa ama, “Lima kaming magkakapatid at ang pinagkikitaan ng aking ina ay ang pagtitinda sa palengke ng sari-saring gulay at iba pa.”
Bata pa siya ay sadyang mahilig na siya sa pagluluto at kumain. Katunayan, sa edad na 9, siya na ang tagaluto para sa kanyang pamilya.
Sa kabila ng kahirapan, nakapagtapos si Tina ng 2-year midwifery course na pinili ng kanyang ina at sa tulong na rin ng kanyang nakatatandang mga kapatid, subalit, hindi naman niya ito lubusang nagamit dahil nagtrabaho siya sa isang resort sa kanilang lugar.
May dalawang anak na si Tina nang magdesisyon itong kumuha ng tech-voc course na Culinary Arts at Cookery NC ll noong 2010 para magamit sa mga resorts na pinagtatrabahuhan niya kasama ang kanyang asawa.
Tatlong resorts ang ipinagkatiwala sa kanila at all-around ang kanilang trabaho mula driver, purchaser, kitchen head, F & B manager, guest tour guide, housekeeping supervisor, first aider, souvenir shop attendant, office personnel, HR & Administration manager, at marami pang iba hanggang naging bahagi sila ng top management ng kompanya.
Taong 2011 nang umalis sila sa pinagtatrabahuhang resorts at itayo ang kanilang unang negosyo, ang TSCHM, nang may dumating na alok mula sa isang kaibigan na kinakailangan nila ang magsasanay sa pagluluto sa mga aplikanteng overseas Filipino workers (OFWs) na mga domestic helpers (DH).
Sa unang batch, lima ang kanilang estudyante hanggang sa mabigyan sila ng oportunidad na pagkalooban ng mga TESDA scholarship sa Cookery NC ll at dumami pa ito.
Upang madagdagan ang kanyang kaalaman, muling nag-aral si Tina sa kolehiyo sa kursong BS in Hospitality Management at nagtapos noong 2012. Plano pa niyang kumuha ng Master’s Degree at Doctor’s Degree upang higit pang mapaunlad ang kanyang kaalaman at makatulong din sa negosyo.
Ang kanilang mga training centers ay humahawak din ng mga training para sa senior high school ng Department of Education at mga scholarship mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department on the Interior and Local Government (DILG) at Public Employment Service Office (PESO).
Payo nito sa mga kabataan, “Ang kahirapan ay hindi hadlang upang makamit ang tagumpay. Ang pagiging tapat, masipag, tiwala sa sarili at higit sa lahat ang pananampalataya sa Diyos ang siyang mag-aangat sa atin sa buhay.”
“Ang talino ng isang tao ay hindi nababatay sa iyong natapos sa kolehiyo. Marami rin ang ‘di nakatapos ng mataas na edukasyon pero mas matagumpay pa sa iba at may sariling negosyo katulad ko. Kung na kaya ko alam kong makakaya n’yo rin sa tulong ng Panginoon, tiwala sa sarili, sa sipag, sa tiyaga at sa TESDA,” dagdag ni Tina.
Comments are closed.