PINAIIMBESTIGAHAN ni Quezon City Police District (QCPD) BGen Remus Medina ang pagkamatay ng kanyang tauhan na nabaril sa loob mismo ng tanggapan ng Customs Intelligence and Investigation Services (CIIS) na matatagpuan sa Gate 3, South Harbor, Bgry. 651, Port Area, Manila.
Batay sa ulat kay Medina, si Executive Master Sergeant Celedonio Caunceran Jr, nakatalaga sa QCPD Headquarters, DHSU sa Camp Karingal, Quezon City ay nabaril at napatay bandang alas-9:40 ng gabi nitong Biyernes sa loob ng Bureau of Customs (BOC).
Sa ipinadalang report ng CIIS -BOC na nilagdaan ni Director Jeoffry C. Tacio, bandang ala-5:15 ng hapon nitong May 20, nakatanggap umano sila ng impormasyon na may isang lalaki na kahina-hinalang pagala-gala sa BOC area.
Agad namang nagresponde ang mga tauhan ng CIIS-BOC sa 15th St., corner Railroad Drive, Port Area, Manila, at nang makita ang sinasabing lalaki ay kanila sinita at pinosasan dahil umano sa paglabag umano sa COMELEC Gun Ban na kinalaunan ay nakilalang si PEMS Caunceran.
Dinala si Caunceran sa tanggapan ng CIIS para imbestigahan pero nang nasa kalagitnaan na umano ng imbestigasyon ay nagpaalam ang pulis kay Special Agent 1 Jovan Lugtu na pupunta muna ng comfort room.
Dahil dito ay tinanggal ang posas ni Caunceran subalit paglabas umano nito ng comfort room ay inagaw ang service firearm ni SAI Lugtu hanggang sa magpambuno ang dalawa at nang pumutok ang baril ay tinamaan ang pulis sa noo at dibdib.
Naisugod pa sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang pulis pero idineklara na itong dead on arrival.
Ayon sa CIIS-BOC, si PEMS Caunseran ay pinaghihinalaan umano na naghagis ng granada at may kinalaman sa mga empleyado ng BOC na biktima ng pamamaril.
Gayunpaman, magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang QCPD upang malaman ang tunay na pangyayari sa loob ng tanggapan ng CISS-BOC na nagresulta ng trahedya.
“Nakakalungkot na humantong sa ganito ang insidenteng ito, kung sakali man na totoong may kinalaman sa PEMS Cauceran sa lahat ng ibinibintang sa kanya ay hindi ko kinukunsinti ang kanyang gawain at maging ang iba pang kapulisan ng QCPD na maaring gumagawa rin ng kahalintulad na bagay ay kaylan man ay hindi ko kukunsintihin. May batas at proseso tayo para patunayan ang katotohanan ng isang pag aakusa at ito ang ating laging sinusunod at ipinatutupad” pahayag ng QCPD chief.
EVELYN GARCIA