(Nabiktima ng cyber phishing) NAIC POLICE STATION NATANGAYAN NG P100-K

CAVITE- KINUMPIRMA ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo na nabiktima ng “cyber phishing” ang Finance Officer ng Naic Police Station na nagresulta sa pagkawala ng P100-K mula sa account ng nasabing istasyon.

Ayon kay Fajardo, lumabas sa imbestigasyon ng Landbank at Calabarzon Police na nakatanggap ng kahina-hinalang e-mail si Senior Master Sgt. Haidee Sabas na naging daan para ma-access ng mga kriminal ang official bank account ng istasyon na pinamamahalaan nito.

Matatandaan na sa reklamo ni Sabas, nagkaroon ng dalawang Fund Transfer mula sa ATM Account ng NAIC PNP na hawak niya kung saan nakadeposit ang kanilang Maintenance Operating and Other Expenses (MOOE).

Ang halagang P47, 700 ay unang na-transfer sa isang Landbank account at ang pangalawang transaction na P50, 000 ay nailipat sa isang Union Bank Account.

Sinabi ni Fajardo na sa ngayon ay ipinapagsumite na ng documentary requirements ang pulis para maibalik ang nawawalang pera. EUNICE CELARIO