NABOC RIVER IRE-REHABILITATE

NABOC RIVER

MAGKATUWANG ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang lokal na pamahalaan ng Compostela Valley sa isasagawang rehabilitasyon ng Naboc River na matatagpuan sa Barangay Mt. Diwata, na naging marumi dahil na rin sa mga latak na nagmula sa pagmimina.

Nilagdaan kamakailan ang isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan nina DENR OIC Assistant Secretary for Field Operations-Eastern Mindanao at kasalukuyan ring Region 11 Exe­cutive Director Ruth Tawant-awan at Compostela Valley Governor Jayvee Tyron Uy sa tanggapan ng DENR Region 11 sa Davao City.

Sinabi ni Environment Secretary Roy Cimatu na huhukayin ang ilog  upang matanggal ang dumi na dulot ng pagmimina sa naturang lugar. Sa pamamagitan nito ay maisasaayos ang daloy ng tubig at matatanggal ang mga dumi na sanhi ng polusyon.

“We will not allow this river to die and we will relentlessly exhaust all means to bring it back to life, just as what we have successfully done in Boracay,” sabi ni Cimatu.

“At the same time, never again shall we allow irresponsible mi­ning operations to thrive in the area,” dagdag pa nito kasabay ng pagsasabi na ang rehabili­tasyon ng Naboc River ay isa sa kanyang prayoridad na programa bilang kalihim ng DENR.

Anang kalihim, sa nakalipas na 25 taon ay naging catchment basin ang ilog ng mga nakalalasong kemikal mula sa gold mining at iba pang gawain ng mga tao sa Mt. Diwalwal. Dahil din sa abusadong paggamit ng ilog ay nalason ito ng kemikal, partikular na ng mercury. Mayroon na rin itong fecal coliform o dumi ng tao at hayop.

Idinagdag pa ni Cimatu na ang Mt. Diwalwal ay naging biktima ng kasakiman at irespons­ableng pagmimina ng mga tao sa naturang lugar sa loob ng dalawang dekada. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.