LALONG lumakas ang frontline ng San Miguel Beer makaraang kompletuhin ng koponan ang trade sa pagitan nito at ng GlobalPort.
Inaprubahan kahapon ng PBA ang paglipat ni Kelly Nabong sa Beermen kapalit ni Gabby Espinas.
Sa paghugot kay Nabong, lalo pang pinalakas ng Beermen ang lineup nito sa ilalim, kasama sina June-Mar Fajardo, Arwind Santos at Christian Standhardinger, ilang laro na lang bago matapos ang elimination round ng Commissioner’s Cup.
Ang San Miguel ay kasalukuyang nasa ika-5 puwesto na may 4-4 kartada, habang may 4-5 naman ang GlobalPort.
Bago sa Batang Pier ay unang naglaro si Nabong na may taas na 6’6, sa Meralco Bolts.
Maaasahan si Nabong sa scoring at rebounding, subalit mas kilala siya sa pagkakasangkot sa mga away sa loob ng court.
Bukod sa mga player ng ibang koponan, nakagirian na rin niya ang kanyang coach at ilang referees.
Si Nabong ang ikalawang player na pinakawalan ng GlobalPort ngayong linggo, matapos ni Julian Sargent, kapalit ni Paolo Taha sa Barangay Ginebra.
Comments are closed.