NADAKIP NA INDONESIAN SUICIDE BOMBER, TEST CASE SA ANTI-TERROR ACT

Panfilo Lacson

TAHASANG sinabi ni Senador Panfilo Lacson na ang posibleng pinaghihinalaang Indonesian suicide bomber na naaresto sa Sulu ang magiging “test case” sa pagpapatupad ng Anti-Terrorism Act of 2020, partikular na sa provision sa “inchoate offenses.”

Tinukoy ni Lacson, ang mga nakuhang pampasabog at gamit sa pagpapasabog sa suspek na si Nana Isirani (a.k.a Rezky Fantasya Rullie o Cici) ay indikasyong naghahanda ito para sa isang pag-atake.

“This is one example of an inchoate offense made punishable under the new Anti-Terrorism Law. By including inchoate offenses as punishable acts under the new measure, we are criminalizing the foregoing acts of the arrested suspects which include planning, preparation and facilitation of terrorism and possession of objects with knowledge or intent that these are to be used in the preparation for the commission of terrorism,” paliwanag ni Lacson, sponsor sa nabanggit na batas sa Senado sa kanyang pagsasalita sa Philippine Army Multi-Sector Advisory Board Summit.

Si Rullie, kasama ang dalawa pang babaeng pinaniniwalaang mga asawa ng mga galamay ng Abu Sayyaf, ay naaresto sa Sulu noong Oktubre 10. Nakuha sa kanila ang mga nabanggit na gamit ng pampasabog na nakaipit sa vest.

Ayon kay Lacson, isa sa mga bagong feature sa Anti-Terrorism Act of 2020 (Republic Act 11479) ay ang pagparusa sa “inchoate offenses.” Ito ay “preparatory acts that are deemed criminal even without the actual harm being done, provided that the harm that would have occurred is one the law tries to prevent, such as terrorism.”

Pangunahing layunin nito, ang pigilin ang terorismo kahit na nasa yugto pa lamang ng pagpaplano at paghahanda at may katapat na parusang reclusion perpetua na walang katapat na parole, kapag napatunayan.

Ang probisyon ng inchoate offenses sa nabanggit na batas ay alinsunod sa mandato mula sa United Nations Security Council Resolution No. 1373 na tumutukoy na dapat na ituring ng estado ang paghahanda pa lamang sa karahasan bilang mabigat na kriminalidad at seryosong banta ng terorismo.

Nakarating din sa impormasyon ni Lacson na hindi masampahan ng kaso si Rullie batay sa Anti-Terrorism Act dahil sa kawalan pa rin ng Implementing Rules and Regulations at sa halip ay illegal possession of explosives lamang ang maiasunto ng mga awtoridad.

Ipinaalam ni Lacson kay Justice Secretary Menardo Guevarra ang sitwasyon na kinakaharap ng mga awtoridad na may hawak sa suspek at nangako ito ng tamang gabay para ang tugmang kaso ang maisampa laban sa suspek.

Dahil dito, inatasan ni Guevarra ang Prosecutor General para bigyan ng tamang alituntunin si Sulu Provincial Prosecutor Anna Marie Pierreangeli Ledesma para sa kaukulang kaso. VICKY CERVALES

Comments are closed.