NADAL SA US OPEN FOURTH ROUND

NEW YORK — Dinispatsa ni Rafael Nadal si close friend Richard Gasquet sa ika-18 pagkakataon para makausad sa US Open fourth round nitong Sabado habang umabante si world number one Iga Swiatek sa last 16 sa ikalawang sunod na taon.

Iniangat ni four-time champion Nadal ang kanyang record kontra Gasquet sa perfect 18-0 sa 6-0, 6-1, 7-5 panalo para manatili sa kontensiyon para sa ika-23 Grand Slam title.

Si Nadal ay nanalo na ngayon ng 34 sunod na sets laban kay Frenchman Gasquet na una niyang nakalaro bilang isang junior.

Susunod na makakaharap ng Australian at French Open champion si 22nd seed Frances Tiafoe para sa isang puwesto sa quarterfinals.

“He’s a great player, very charismatic, very fast,” sabi ni Nadal patungkol sa American.

Nagmartsa si Tiafoe sa last 16 sa ikatlong sunod na taon makaraang pataubin si Diego Schwartzman ng Argentina, 7-6 (9/7), 6-4, 6-4.

Hindi ininda ng 36-year-old na si Nadal ang pagdurugo ng ilong nang aksidente niyang mapatalbog ang kanyang raketa sa kanyang mukha sa second round.

“It’s a little bit bigger than usual but it’s okay,” pagbibiro niya.