NADIA MONTENEGRO NAGPAPAKATATAG MATAPOS MASA-LANTA NI ‘ULYSSES’

NADIA MONTENEGRO

NAGING emosyonal si Nadia Montenegro at napaluha na lamang habang ikinukuwento ang naging karanasan nang bahain ang kanyang bahay dahil sa pananalasa ni typhoon Ulysses.

Huwebes ng umaga, November 12, nag-post si Nadia ng video nang pasukin ng hanggang sakong na tubig-baha ang kanilang bahay sa isang village sa Antipolo, Rizal.

Nagulo na ang ayos ng kanilang sofa, freezer, refrigerator, at iba pang kagamitan dahil nais nilang dalhin sa mas mataas na lugar ang mga ito para hindi tangayin sakaling tumaas pa ang baha.

Lubog na ang mga gulong ng SUV at kotse ni Nadia na tila inanod na rin ng tubig.

Sa pangamba na tumaas pa ang tubig-baha, ay nag-post na sa social media si Nadia na nanghihingi ng saklolo.

Kaagad na tumulong ang mga malapit na kaanak at kaibigan ng pamilya ni Nadia kaya nailikas din sila mula sa lugar noong gabi ng Huwebes.

Pero sa iba’t ibang bahay sila nanuluyan dahil sa rami nila sa bahay.

Hindi makapaniwala si Nadia na magkakaroon ng flash flood sa kanilang lugar matapos bumigay ang pader ng katabing creek ng kanilang bahay.

Umabot ng hanggang baywang ang tubig-baha kaya ganoon na lamang ang takot niya.

“Ang bilis-bilis po ng pangyayari. Kahapon, bumigay po ‘yung wall ng creek sa tabi ng bahay namin.

“While we were trying to save the cars, nalingat lang kami, the water from the back of the house, doon po dumaan.

“And then nu’n nga, umabot na kaagad ng hita, umabot na kaagad ng baywang.

“In short, wala kaming na-save. Wala kaming nakuha.

“But those are all material things…” pagbabahagi ni Nadia.

Aminado si Nadia na nanibago siya dahil siya  ang madalas na tumutulong sa ibang nangangailangan.

“It’s the morning after. We’re all safe, me and the kids, although watak-watak kami.

“Wala lang ako makausap. I’m used to being on the other side helping. Kaya hopeless ako ngayon… Hindi ako makatulog. Pilit na nagpakatatag ng loob si Nadia.

“Pero I’m so grateful to be on the other side with all the help that we are receiving, with all the love that we’ve been receiving from each and everyone of you.

“Pero ngayon naintindihan ko na. Kasi ngayon nangyari sa akin ito.

“I pray for those who are affected by the typhoon”, sabi ni Nadia. ANGELO BAINO

Comments are closed.