(Nadiskubre ng PNP) 8K UNDOCUMENTED FIREARMS HAWAK NG MGA PULITIKO

NADISKUBRE ng Philippine National Police (PNP) na umaabot sa walong libong undocumented firearms o mga baril na walang kaukulang dokumento o paso ang mga lisensya ang hawak ng ilang pulitiko sa bansa.

Ayon kay Philippine National Police-Civil Security Group (PNP-CSG) Director BGen. Benjamin Silo, ang walong libong undocumented guns ay kumakatawan sa 27 porsyento ng humigit kumulang 30,000 registered firearms ng elected officials mula mambabatas hanggang barangay officials.

“What we did in CSG, we made an extra special effort to encourage these people, elected officials, to renew their expired licenses. Elected official ‘yan from the national up to barangay. Our safe estimate is siguro mga 50 percent diyan are from barangay officials,” ani Silo.

Habang puspusan ang kampanya ng PNP kontra loose firearms ay hinihikayat ng PNP-CSG ang mga politikong may pasong lisensya ng baril na mag-renew na.

Batay sa datos ng PNP-CSG, sa 30,068 registered firearms ng mga elected official, 8,313 dito ay expired na ang lisensiya ng baril.

Nasa 50 porsyento mula sa nasabing bilang ang pagmamay-ari umano ng mga barangay official at ang pinakamarami ay sa Region 4A at sinundan naman ng Metro Manila at Region 3 o Central Luzon.

Base sa huling report ng PNP, nasa 12,373 ang kabuuang bilang ng mga nakumpiskang loose firearms mula Enero hanggang nitong Hunyo.

Batay din sa datos ng PNP-CSG, mula sa kabuuang bilang na 539,000 firearms, 19,000 unrenewed licenses nito ay pagmamay-ari ng pulis at military personnel.

Nakikipag-ugnayan na ang PNP-CSG sa iba’t ibang units hinggil sa pagpapaalala sa mga nasabing pulis at military personnel sa pagre-renew ng kanilang lisensiya ng baril.

Magugunitang pinaigting ng pambansang pulisya ang kampanya kontra loose firearms dahil posible itong magamit sa nalalapit na barangay at Sangguniang Kabataan elections.
VERLIN RUIZ