BATANGAS-TATLONG miyembro ng isang pamilya ang grabeng nasugatan matapos atakihin at pagsasaksakin ng nag-amok na kamag-anak na napatay din sa pag-aagawan ng patalim sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Balagtasin 1, San Jose sa lalawigang ito kahapon ng madaling -araw.
Kinilala ni Major John Villanueva, hepe ng San Jose ang mga sugatang biktima na sina Romnick Jobog, 24-anyos, welder ; amang si Roland, karpintero; at inang si Criselda, 50-anyos na ginagamot sa San Jose district hospital.
Sinabi ni Villanueva na si Romnick ay nagtamo ng mga saksak sa sa iba’t- ibang parte ng katawan, si Roland ay nasaksak sa dibdib at si Criselda ay nasugatan sa mukha.
Napatay naman sa pag- aagawan ng patalim ang suspek na si Reonel Jobog, 42-anyos, isa ring welder at pinsan buo ni Roland.
Sa imbestigasyon ng pulisya, mahimbing umanong natutulog ang nasabing pamilya nang mabulabog sila sa sigaw ng lasing na si Reonel at nagwawala ito kasabay ng paghahamon ng away kay Roland.
Hindi umano pinansin ng mga kaanak ng suspek ang pagwawala nito subalit laking gulat ng mga ito nang biglang tadyakan ni Reonel ang pinto at nang mabuksan ay agad itong sumugod at sunod-sunod na inundayan nito ng saksak ang mga biktima.
Nang makakuha umano ng tiyempo si Roland ay agad nitong itinulak ang suspek kung saan nabitiwan nito ang patalim.
Sa takot na makuha pa ng suspek ang nasabing patalim ay agad itong dinampot ni Roland saka nito sinaksak ang nagwawalang pinsan. ARMAN CAMBE