QUEZON – KRITIKAL sa Quezon Medical Center sa Lunsod ng Lucena ang isang babae matapos pagpapaluin sa ulo at mukha ng lalaking nag-aamok sa may Eco Tourism Road, Sitio Bagong Tulas, Brgy. Dalahican nabanggit na lungsod.
Base sa report ng Lucena PNP na pinamumunuan ni acting Chief of Police Lt Col Dennis De Guzman, dakong alas- 4 kahapon ng madaling araw habang nakikipagkuwentuhan ang biktima na nakilalang si Irene Rema Dela Paz,19- anyos sa mga kaibigan nito ay nakita ang suspek na naglalakad na may dala dalang dos por dos na kahoy.
Sinaway umano ng biktima ang suspek at sinabihang umuwi subalit sa halip na sumunod ay bigla na lang nitong pinagpapalo ng paulit-pulit si Dela Paz.
Nagtamo ng mga grabeng mga sugat sa mukha at ulo ang biktima na nasa kritikal na kalagayan sa ospital.
Sa ginawang pagresponde ng mga pulis na nakatalaga sa Dalahican PNP Sub Station, inaawat umano ng mga pulis ang suspek na si Jeffrey Merano Consejo sa ginagawang pamamalo sa biktima subalit pinagbalingan umano naman nito ang mga pulis.
Kung kaya’t, binaril ito ng mga pulis na nagresulta ng agad na pagkamatay ng nag-aamok na suspek habang patuloy pa ang imbestigasyon sa tunay na pangyayari.
Samantala, isang lalaki naman ang natagpuang naliligo sa sariling dugo sa may Diversion Road sakop ng Brgy.Ilayang Dupay sa lungsod ng Lucena dakong alas-3 ng madaling araw nitong Linggo.
Sa report ng Lucena PNP, hindi pa nakikilala ang biktima na nakasuot ng jacket at short na maong at may taas na 5ft.
Tadtad ng mga saksak sa likod, leeg at kaliwang balikat sa report ng pulisya na hindi pa nakikilalang suspek na may kagagawan ng krimen.
Sa datos ng Lucena PNP, ang dalawang magkasunod na krimen na naganap sa Lungsod ng Lucena na pagitan lang ang isang araw.
BONG RIVERA