(Nag-iisang finalist sa bansa) MAKATI KABILANG SA WORLD SMART CITY AWARDS 2023

NAPILI ang lokal na pamahalaan ng Makati bilang isa sa anim na finalists sa kinikilalang World Smart City Awards 2023 sa Barcelona, Spain.

Sinabi ni Makati City Mayor Abby Binay na ang Makati ang nag-iisang lungsod sa bansa at sa buong Asia Pacific Region na napabilang sa nabanggit na global awards.

Kaugnay nito, nanawagan si Binay sa lahat ng Makatizens na ipagdasal ang tagumpay ng lungsod sa naturang event na mayroong 411 kalahok mula sa 63 bansa sa mundo.

Bukod sa Makati, ang lima pang ibang napiling kalahok sa kategorya ng City Awards ay ang “Barranquilla: Solving Development Challenges by Going Green” mula Barranquilla, Spain; “Smart Alert System” mula Izmir, Turkey; “Viver Cascais I Citizen centered service design” ng Cascais, Portugal; “Curitiba Sustainable City” mula sa Curitiba, Brazil; at “Connected for Success: Welcome to Sunderland, City of Smart” mula naman sa Sunderland, United Kingdom.

“Ang ating entry, “Makati City’s IoT Revolution: Empowering the City to Become Better Stewards of Energy & Environment” ay nagpapakita kung paanong ang Internet of Things o IoT devices at solutions ay lumilikha ng data-driven policies at positibong behavioral transformation sa ating mga residente. Sa pagsali sa competition, pinagtuunan namin ang positive effects ng mga ino­basyon sa pang-araw-araw na pamumuhay at ang pangmatagalang epekto nito sa mga efforts tungo sa sustainability at resilience,” ani Binay.

“Ang smart meters, LoraWAN asset trackers, noise at outdoor pollution sensors, pati na rin ang indoor air qua­lity sensors at BLE badge beacon, ay mga makabagong kagamitan na nagbibigay ng dagdag layer ng proteksiyon at seguridad sa ating komunidad. Sana ay palarin tayong manalo sa awards na,” dagdag pa ng mayora.

Bago pumutok ang pandemya noong 2019 ay isa na rin ang Makati sa naging finalist sa kaparehong kompetisyon kung saan mismong si Binay ang tumanggap ng award mula sa Smart City Expo World Congress sa Barcelona sa entry na “Use of technology to improve city disaster preparedness and communication to and from city citizens.”

“Patuloy tayong nag-a-adopt ng cutting-edge technologies para sa healthcare services delivery, education, disaster risk reduction and management, pati na rin pag-a-automate ng payments at iba pang serbisyo natin sa city hall,” ani pa Binay.

Ang taunang pagganap ng World Smart City Awards ay isang prestihiyosong kompetisyong pang-internasyonal na kumikilala sa mga proyekto, ideya at stratehiya na magdadala sa mga lungsod sa buong mundo na mas maayos na matitirahan, sustainable, at economically viable. MARIVIC FERNANDEZ