ANG Makati City ang kauna-unahang local government unit (LGU) sa buong National Capital Region (NCR) na kuwalipikadong tumanggap ng performance-based bonus (PBB) ang mga empleyado na magsisilbing gantimpala dahil sa walang katumbas na pagbibigay ng serbisyo sa kanilang ginampanang trabaho.
Iginiit ni Makati City Mayor Abby Binay na karapat-dapat lamang na tumanggap ng performance-based bonus ang mga masisipag at tapat na lingkod-bayan ng lungsod na laging inuuna ang kapakanan ng mga mamamayan na kanilang kinikilala bilang Proud Makatizens.
Bukod sa matatanggap na PBB ng lungsod ay ikinatuwa rin ni Binay ang pagkilala sa lungsod bilang model LGU sa aspeto ng good governance at public service.
Aniya, ang pagiging modelong lungsod ay nagpapatunay lamang na nagbunga ang kanilang mga pagsisikap sa pagsulong ng malinis, tapat, at mahusay na pamamahala at kasabay pa nito ang patuloy na pagtataguyod sa lungsod bilang isang inclusive, livable, at sustainable city.
Kamakailan lamang ay inilabas ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Harmonization of National Government Performance Monitoring, Information, and Reporting Systems ang resulta ng isinagawang performance evaluation sa mga LGU sa buong bansa kung saan napabilang ang Makati sa 366 LGUs sa buong bansa ang kuwalipikadong tumanggap ng PBB para sa fiscal year 2021.
Ang PBB ay isang top-up bonus na taunang ipinagkakaloob sa mga empleyado ng mga kuwalipikadong departamento at ahensiya ng national government at mga LGU sa bansa, batay sa kanilang kontribusyon sa pagkamit ng mga target at commitment ng LGU para sa fiscal year.
Ito ay unang ipinatupad noong 2012 upang bigyang-gantimpala at hikayatin ang huwarang pagganap sa tungkulin ng mga public servant.
Ang pagsusuri ay batay sa apat na dimension ng accountability na kinabibilangan ng Performance Results, Process Results, Financial Results, at Citizen/Client Satisfaction Results.
Bago pa man maging kwalipikado ang isang lungsod na makatanggap ng PBB ay kailangan munang magkaroon ang LGU ng kabuuang score na hindi bababa sa 70 puntos at makakuha ng rating na hindi bababa sa 4 sa tatlong criteria na ibinatay sa PBB scoring system. MARIVIC FERNANDEZ