NAG-RESIGN O NAG-ALOK NA MAG-RESIGN?

Magkape Muna Tayo Ulit

SABI ko nga sa isang kolum ko tungkol sa isyu ng term sharing sa House of Representatives  na abangan ang susunod na kabanata. Ganito nga ang nangyayari sa kasalukuyan. Noong Martes, pinulong ni Pangulong Duterte sina House Speaker Alan Cayetano at Marinduque Rep.  Lord Velasco tungkol sa usapang term-sharing nilang dalawa para sa pinakamataas na posisyon sa Kamara.

Dapat kasi ay papalitan na ni Velasco si  Cayetano bilang Speaker pagsapit ng buwan ng Oktubre.

Ang balita noong Miyerkoles ay nagsalita sa harap ng plenaryo si Speaker Cayetano at nag-alok na magre-resign siya sa posisyon alinsunod sa pinag-usapan nila nina Pangulong Duterte at Rep. Velasco. Subalit hindi tinanggap ng mayorya ang alok ni Cayetano na pagre-resign. Gusto nila na manatili pa rin si Cayetano bilang Speaker of the House of Represntatives.

Isa sa pumuna sa aksiyon na nangyari sa Kongreso ay si Partylist Rep. Jericho Nograles na taga-Davao. Hindi raw alinsunod sa batas ang nangyari sa plenaryo. Wala raw kasi sa panuntunan ng parliyamentarya na ang isang kongresista ay magsasalita sa harap ng plenaryo at mag-aalok  na mag-resign sa posisyon. Sa madaling salita, kung magre-resign ka, sabihin mo. Hindi na kailangan na tanungin ang mga kapwa miyembro ng Kongreso.

Dagdag pa ni Rep. Nograles, may panuntunan din na kapag mag-resign ang speaker ay magbobotohan ang kanilang mga deputy speaker kung sino ang pansamantalang papalit hanggang magkaroon ng botohan sa plenaryo kung sino ang napupusuan ng mayorya ng Kongreso na  susunod na speaker.

Subalit kung magiging istrikto tayo sa mga panuntunan at ayon sa ating Saligang Batas, hindi ba’t magkahiwalay at hindi dapat magkaroon ng impluwensiya ang tatlong sangay ng pamahalaan? Ang Sangay ng Tagapagpaganap (executive branch), Sangay ng Tagapagbatas (legislative branch) at ang Sangay ng Tagapaghukom (judicial branch) ay pantay- pantay ang kanilang kapangyarihan, ayon sa ‘principle of separation of powers’ na nasa ilalim ng ating Konstitusyon. ‘Yun nga lang, kadalasan ay mahalaga ang magandang ugnayan ng executive at legislative branches ng ating pamahalaan upang mabilis umusad ang mga programa ng nakaupong admisnistrasyon dahil nasa mga mambabatas ang kapangyarihan upang aprubahan ang budget ng mga programa ng ehekutibo.

Ngunit maaaring may hangganan din ang impluwensiya. Sa isyu ng speakership, tila may hangganan din ang pamamagitan ni Pangulong Duterte. Bagama’t malaking isyu ang nasabing ‘palabra de honor’ nina Cayetano at Velasco, ang mayorya pa rin ng Kongreso ang masusunod. Kung paano makuha ito ni Velasco ay iiwan natin ang diskarteng iyan. Kailangang patunayan ni Velasco na mayroon siyang leadership.

Marami kasi akong nakakalap na tsismis sa Kongreso na hindi raw nagparamdam si Velasco sa mga kapwa niya kongresista sa matagal na panahon. Hindi raw nila lubos na kilala si Velasco kung may kakayanan siyang maging lider ng Kongreso na nakita nila kay Cayetano.

Maaring madami pa ang mangyayari mula ngayon hanggang sa ika-14 ng Oktubre kung saan may usapan mumano sila Duterte, Velasco at Cayetano na baba siya puwesto ng speakership.

Hindi natin alam kung mas mabigat ang impluwensya ni Pangulong Duterte o mas mananaig ang boses ng mayorya ayon sa prinsipyo ng demokrasya.

Palabra de honor? May ganoon ba sa mundo ng politika natin? Simula nang magkaroon  ng EDSA Revolution noong 1986, ang mga politiko natin ay palipat-lipat ng partido politikal. Nawawala ang prinsipyo ng ating mga partido politikal  kung bakit ito itinaguyod.

Comments are closed.