NAG-TECH-VOC PARA MATULUNGAN ANG PAMILYA

BILANG panganay sa anim na magkakapatid na mula sa isang mahirap na pamilya, tila nakaatang na sa kanyang balikat ang responsibilidad na tumulong upang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya.

Gemelito Geloc “Unang-una, pangarap ko na mabigyan ng magandang buhay ang pamilya ko!,” paglalahad ni Gemelito “Jimmy” U. Geloca, taga-Butuan City, isa sa mga matatagumpay na technical-vocational (tech-voc) graduates na naging overseas Filipino worker (OFW) at nagmamay-ari ng apat (4) na negosyo sa Butuan City.

Natupad ang kanyang pangarap hindi lamang para sa kanyang pamilya kundi para sa maraming taong kanyang natulungan at nabigyan ng kaalaman dahil sa mga kinuha niyang iba’t ibang kurso at programa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Magsasaka at caretaker ng palayan sa kanilaang lugar ang kanyang mga magulang na ang kinikita ay hindi sumasapat sa pam-il­yang may walong miyembro. Si Jimmy ang panganay sa anim na magkakapatid, lima silang lalaki at isang babae.

Dahil walang perang panustos ang mga magulang para sa kanyang pag-aaral sa kolehiyo, minabuti ni Jimmy na mag-working student at kumuha ng 1-year Automotive Mechanic course sa Asian Voc-Tech Academy sa Cabadbaran at natapos niya ito noong 1991.

Pagka-graduate, nagtrabaho si Jimmy bilang helper mechanic sa lalawigan ng Bukidnon.

Pagkalipas ng isang taon, nagpunta at nagtrabaho siya sa Butuan bilang mechanic helper, at noong 1995, nagpasyang lumuwas sa Maynila upang makipagsapalaran.

Sa Maynila, iba’t ibang trabaho ang kanyang pinasukan gaya ng pagiging construction worker para kumita at may maipadalang tulong-pinansyal sa kanyang pamilya sa lalawigan.

Taong 1997, muling kumuha si Jimmy ng tech-voc course na Machine Shop. Sa taong ding iyon ay natanggap siyang seaman, nagtrabaho siya bilang isang mechanic fitter sa barko.

Nang may sapat ng ipon, noong 2014 o makalipas ang 17 taon, tumigil na siya sa pagbabarko at nagpokus sa kanyang itinayong negosyo na talyer. Ito ay pinangalanang “Fit Cars Service Center” na matatagpuan sa Libertad, Butuan City na kanyang itinayo noong Hulyo 23, 2012.

Hindi na siya nag-aral ng kolehiyo sa kabila nang gumanda na ang kanyang buhay, sa halip, lalo pa niyang pinalawak ang kanyang kaalaman sa mga itinayong negosyo. Kumuha siya ng iba’t ibang tech-voc courses, gaya ng Shielded Metal Arc Welding (SMAW) NC l, ll at lll; Gas Arc Welding (GMAW) NC ll; at tumanggap din siya ng Electric Arc Welding Trade Skills Certificate at Lathe Machine Operation Trade Skills Certificate.

Dahil sa kanyang mga kaalaman, tatlong negosyo pa ang itinayo niya, ang GUG Engineering Machine Shop na binuksan noong Hunyo 28, 2017, J’ Huaans Grill na itinayo noong 2017, at ang pinakahuli ay ang CARAGA Skills Training Center para sa SMAW, GMAW at GTAW na binuksan lamang nitong ­Disyembre 2018.

Isa rin siyang trainer at assessor sa mga nabanggit na kurso. Siya ang itinanghal na 2018 Idols ng TESDA ng CARAGA Re-gion at nakasama sa top 20 nominees para sa 2018 Idols ng TESDA para sa Self-Employed Category, isang institutional awards na ipinagkakaloob sa mga matatagumpay na technical vocational education and training (TVET) graduates.

Tumanggap pa siya ng maraming mga pagkilala, kabilang dito ang Plaque of Recognition na ipinagkaloob ng TESDA noong 2017 dahil sa patuloy nitong pagsuporta sa mga programa at serbisyo ng ahensiya at noong 2016, ang Certificate of Recognition sa pagtulong naman nito sa mga programa at proyekto ng Agusan del Sur School of Arts and Trades at marami pang iba.

Ang pinakahuli ay ang parangal na ipinagkaloob ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na Model OFW Fam-ily of the Year Award na ginanap sa Malacañang nitong Disyembre 2018.

Marami na rin siyang natulungang mabigyan ng trabaho, sa kasalukuyan mayroon na siyang 75 na empleyado.

Malaki ang pasasalamat niya sa TESDA dahil malaki ang naging kontribusyon nito upang matupad ang kanyang pangarap na mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya.

“Ako ay nagpapasalamat sa TESDA, napakalaking tulong sa akin at maraming iba pa ang nababahaginan natin ng biyaya at tulong,” ayon kay Jimmy.

“Ang maipapayo ko sa mga tao na gustong kumuha ng TESDA, kailangan lang ng sikap at tiyaga, disiplina at ­pangarap at higit sa lahat dasal sa Panginoon,” payo nito sa mga nangangarap na gustong sundan ang kanyang mga narating.

Comments are closed.