NAG-UUWIANG OFWs ‘WAG PANDIRIHAN-CBCP

Balanga Bishop Ruperto Santos-4

NANAWAGAN ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga mamamayan na malugod tanggapin ang mga umuuwing overseas Filipino workers (OFWs) na apektado rin ng kasalukuyang krisis na dulot ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, Vice Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, nais lamang ng mga OFW ang pang-unawa mula sa kapwa Filipino sapagkat pare-pareho ang karanasan na pinagdadaanan ng lahat ngayon.

“Let us welcome our OFW’s; let them come home. What they are asking is just our acceptance, not discrimination as COVID 19 suspects; our understanding and not to shun them away,” pahayag ni  Santos.

Binigyang-diin pa ng Obispo na bagamat kapwa biktima ang lahat ng mamamayan sa mundo, dapat pairalin pa rin ang pagtutulungan at paggawa ng kabutihan sa kapwa.

Inihayag ni Santos na malaki ang ambag ng mahigit sampung milyong OFWs sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig sa ekonomiya ng bansa lalo na ngayong nakaranas ng pinansyal na krisis ang buong mundo dulot ng COVID-19 crisis.

Naniniwala ang opisyal ng CBCP – ECMI na mas iigting pa ang pagiging hospitable ng mga Filipino lalo na sa mga kababayang OFW.

“Filipinos are known for being hospitable poeple, should we not be more hospitable to them? They are our fellow Filipinos; so let’s welcome them whehn they come home to their respective province, city or town,” dagdag niya.

Matatandaang maraming OFW ang nakaranas ng diskriminasyon sa pagbalik sa bansa dahil sa takot ng maraming mamamayan na maaring infected sila ng virus.

Iginiit ni Santos na napapanahon nang bigyang pahalaga ang mga migranteng manggagawa lalo na’t higit itong apektado sa pandaigdigang krisis. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.