‘NAGA-LEGAZPI RAIL LINK’ UNAHIN BAGO ANG ‘PNR SOUTH LONG HAUL PROJECT’

Isinusulong ngayon ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda na unahin at tapusin muna ang ‘Naga-Legazpi train connection’ na malaki ang maitutulong upang lalong sumigla ang turismo at ekonomiya ng Bikol, habang isinasaayos pa ang pagpopondo sa nadiskaril na ‘Philippine National Railways (PNR) South Long Haul project.’

Ayon kay Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, nakipagpulong siya kamakailan kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, upang alamin ang mahahalagang proyekto sa transportasiyon na sadyang kailangan at magbibigay ng ibayong pakinabang sa Bikol at Tmog Luzon.

Sa naturang pulong, binigyang diin niya ang kahalagahan ng isang makabagong koneksiyon ng tren sa pagitan ng Naga City sa Camarines Sur at Legazpi City, ang ‘regional center’ ng Bikol na nasa ika-2 distrito ng Albay na kanyang kinakatawan sa Kamara.

Bilang tugon sa kanyang panukala, nangako naman si DOTr Railways Undersecretary Cesar Chavez, na isa ring Bikolano, na kaagad niyang tututukan ang naturang panukala na maaaring pondohan agad ng pamahalaang nasyunal.

Isang kilala at respetadong ekonomista, tiniyak ni Salceda na ang mga gagawing pagtataas ng antas ng mga ‘transportation infrastructures’ sa Bikol ay lalong magpapasigla sa turismo at ekonomiya ng Bikol at Timog Luzon.

Nadiskaril ang P142-Bilyong ‘PNR South Long-Haul railway project’ na orihinal na panukala ni Salceda, nang pinakawalang bisa ng nakaraang administrasyong Duterte ang balangkas ng pagpondo nito dahil diumano sa kawalang aksiyon ng Eximbank ng China sa pondong inuutang ng Pilipinas para sa proyekto.

Tinukoy ni Pangulong Bongbong Marcos ang ‘PNR South Long-Haul project’ bilang praypridad ng kanyang administrasyon at isa ito sa mga pangunahing usapin na tinalakay ng mga lider ng dalawang bansa nang dumalaw siya sa China nitong nakaraang Enero.

Ang ‘PNR South Long-Haul,’ ayon kay Salceda, ay sadyang mahalaga at kailangang impraestriktura, hindi lamang para sa Bikol at Timog Luzon, kundi pati rin sa Kabisayaan at Mindanao. Pinagtibay itong prayoridad na proyekto ng pamahalaan batay sa rekomendasyon ng Bicol Regional Development Council noong 2015, na noo’y panamumunuan ni Salceda.

Inilarawan ng mam­bababatas ang ‘PNR South Long-Haul’ na “bahagi ng magkakatugmang ‘multi-modal big-ticket projects’ na magsisilbing mabisang tulay tungo sa Kabisayaan at Mindanao at magtatampok sa Albay bilang sentro ng Bikol at ‘economic rediation center.’”

Habang pinag-aaralan at binabalangkas pa ang pagpondo sa PNR South Long-Haul, sinabi ni Salceda na lubhang mahalaga at magiging kapaki-pakinabang ang unahin at tapusin muna ang ‘Naga-Legazpi Rail link’ na madaling pondohan ng pamahalaan at tiyak namang madaling magbabalik-tubo sa pupuhunanin sa proyekto.