MATAPOS ang napaulat na magkasunuod na karahasan sa ilang paaralan, nais daw ngayon ng Department of Education (DepEd) na humingi ng tulong sa mga mental health experts at advocates para bumalangkas at magpatupad ng mga programa para maiwasan ang ganitong mga insidente.
Sinabi ni DepEd spokesperson Michael Poa, ito ay dahil na rin sa insidente na ikinamatay ng 12-anyos nia batang aksidenteng nabaril ang sarili matapos dalhin sa loob ng Benito Nieto Elementary School sa San Jose Del Monte City, Bulacan ang service firearms ng kanyang ama.
Ayon kay San Jose Del Monte City Chief of Police Lt. Col. Ronaldo Lumactod, bandang ala-1 ng hapon binawian nang buhay ang nasabing biktima.
Base sa ulat, sinasabing nakitaan ng shrapnel sa utak ang bata dahilan kung bakit isinailalim agad ito sa CT scan ngunit hindi na nito kinaya pa.
Gayundin, noong nakalipas na Linggo lamang ay binawian din ng buhay ang isang menor de edad na estudyante makaraang sasaksakin ng kapwa estudyante sa loob ng Culiat High School ng Quezon City.
Sinabi ni Poa na posibleng konektado sa mental health issues ang ganitong mga insidente.
Para naman sa security concerns sa mga paaralan, sinabi ni Poa inatasan na raw ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang lahat ng Regional at Schools Division Offices na makipag-ugnayan sa PNP na nakakasakop sa kanilang lugar para matukoy kung anong mga paaralan ang nangangailangan ng spot inspections para maagapan at hindi maipuslit sa loob ng paaralan ang dala ng mga estudyante at mga staff na maaring makapinsala. EVELYN GARCIA