NAGMAHAL ang production cost ng manufactured goods kasunod ng serye ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at maaari itong ipasa sa mga consumer, ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Lopez na ang pagtataas sa presyo ng langis ay may 3% hanggang 3.5% epekto sa production cost.
Gayunman, sinabi ng kalihim na wala pang isinusumiteng petisyon ang mga manufacturer para sa pagtataas sa suggested retail prices ng grocery items.
Ayon kay Lopez, isasaalang-alang ng Department of Trade and Industry (DTI) kapwa ang pagmahal ng petrolyo at ang iba pang mga salik sa manufacturing process tulad ng raw materials at logistics costs sa pagpapasiya kung tataasan o hindi ang SRPs.
“Kung sakali kung mag-submit na sila ng mga datos, doon natin ibabase ‘yung rasonableng galaw ng costing na ito,” aniya.
Ngayong taon ay walong magkakasunod na linggo nang tumaas ang presyo ng petrolyo. Hanggang noong Pebrero 22, ang presyo ng gasolina ay may kabuuang pagtaas na P8.75 kada litro, P10.85 kada litro sa diesel, at P9.55 kada litro sa kerosene.